📷From left to right, former Councilors PJ Malonzo, Councilor Rose Mercado and Alou Nubla, Aksyon Chairman Ernest Ramel Jr, former Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, Aksyon Secretary-General Leon Flores, Councilor Kaye Nubla, Mickey Bunag, Kap. Mining Faustino and Angie Leonardo.
MAS pinili umano ng partido Aksyon Demokratiko na maging bagong kasapi si dating Sen. Antonio ‘Sonny” Trillanes IV at kanyang mga kasama sa Team Trillanes sa Caloocan City kaysa kay dating Congressman Egay Erice.
Nabatid sa source na “nagmaktol” umano si Erice at nagbitiw sa Aksyon matapos malaman na binigyan ng go signal ng partido ang pag-anib ni Trillanes at kanyang grupo, na kanyang tinutulan dahil “tumalon” na siya sa kampo ni Mayor Along Malapitan.
“Sa hindi malamang dahilan ay biglang nagbago ang ihip ng hangin kay Erice. Bigla niyang dinistansyahan si Trillanes gayong isa siya sa pangunahing naghikayat sa dating senador na sumabak sa pagka-mayor sa Caloocan sa 2025,” wika ng source.
Si Erice pa umano ang nagpakilala kay Trillanes sa Aksyon kaya’t gayon na lamang ang pagtataka ng mga kapartido niya sa naging tila “panlalaglag” niya kay Trillanes.
Maliban kay Trillanes, nanumpa rin bilang mga bagong miyembro ng Aksyon sina dating konsehal PJ Malonzo, Rose Mercado, Alou Nubla, Councilor Kaye Nubla, Mickey Bunag, Mining Faustino at Angie Leonardo. (ROSE NOVENARIO)