NAGIGING hilig ni Vice President Sara Duterte na gumawa ng mga bagay na hindi niya mandato o malayo sa kanyang mga opisyal na tungkulin, ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
Ang obserbasyon ni Castro ay batay sa pattern ng mga aksyon ni VP Sara tulad ng P125 million confidential funds na ginastos niya sa loob ng 11 araw noong 2022, o pagsulat ng mga libro gamit ang pampublikong pondo, o pag-uutos sa Ninoy Aquino International Airport na higpitan ang kanilang seguridad at huwag payagan ang media access sa paliparan dahil nahuli siyang umalis patungong Germany sa kasagsagan ng Bagyong Carina.
“This is the problem when someone who is used to being followed without question and accountability holds public office. Feeling nila alipin nila ang lahat,” giit ng teacher solon.
Binatikos ni Castro si VP Sara sa panghihingi ng sampung milyong piso mula sa pera ng mga mamamayan para ilimbag ang isang aklat pambata na umano’y iniakda ng bise president na hinihinalang kinopya ang ilang bahagi.
“Napakaraming problema ng bansa mula sa unemployment, mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, kakulangan ng classroom, panghihimasok ng China at US at napakarami pang iba na pwedeng paglaanan ng pondo tapos hihingi ng P10 milyon para sa paglimbag ng aklat na di naman mandato ng OVP at pagpromote ng kanyang sarili,” ani Casro.
“Mukhang ang style din ngayon ay hindi gagayahin outright ang source material, yung general idea lang at mga characters para di masabing plagiarized pero partially-plagiarized pa din ito kung titignan. Kawawa naman si Owly at author nitong si Andy Runton,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din niya ang prayoridad sa paggasta ni VP Sara lalo na’t sinabi ng bise president na may kasunod pang aklat ang gusto niyang ipalimbag gamit ang pondo ng OVP.
“Ang malupit pa ay may susunod pa daw siyang libro, ano iyon sa pondo ng mamamayan din nya gustong kunin?” (ROSE NOVENARIO)