Sat. Aug 8th, 2026

WALANG ipinagkaiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos kay dating Presidente Rodrigo Duterte pagdating sa pasistang panunupil at pagbibigay proteksyon sa mga kriminal na pulis at sundalo, ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Reaksyon ito ng CPP sa pagpirma ni Marcos Jr. kamakailan sa Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act na magbibigay ng libreng serbisyong legal sa tiwala at kriminal na mga sundalo at pulis.

Inihain ang panukalang batas noong panahon ni Duterte na nangako ng legal na suporta sa mga pulis na nahaharap sa mga kaso ng extrajudicial killings at iba pang mga krimen.

“Pagdating sa pasistang panunupil, talagang pareho lang si Marcos kay Duterte,” ayon kay Marco Valbuena, opisyal sa impormasyon ng CPP, sa isang kalatas.

“Tulad ni Duterte, inililigtas ni Marcos ang mga sundalo at pulis, laluna ang kriminal at tiwali sa kanilang hanay, sa kanilang legal na mga pananagutan,” aniya.

“Pagtatakip ito sa nagawa na at gagawin pang mga krimen at paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng AFP at PNP,” dagdag niya.

Naging ganap na batas ang libreng serbisyong legal ay kasunod sa pagbigay ni Marcos Jr. ng ₱200 dagdag sa arawang subsistence allowance ng mga sundalo.

“Todo-todo ang panunuhol at pagpapabango ni Marcos sa militar at pulis para tiyakin ang katapatan ng mga ito sa kanya,” ayon kay Valbuena.

Nagbabala si Valbuena na hindi nito maililigtas ang mga sundalo at pulis sa “rebolusyonaryong hustisya. “

“Maisalba man sila ni Marcos sa reaksyonaryong mga hukuman, hindi sila makakawala sa hustisya ng rebolusyonaryong kilusan,” ani Valbuena.

“Nakatala ang bawat krimen sa mamamayan, bawat pagyurak ng mga sundalo, pulis, paramilitar at kasabwat nilang mga armadong grupong kriminal sa karapatan ng mamamayan,” giit ni Valbuena. “Mananagot at mananagot sila sa bayan.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *