MAAAARING “maubos” ang mga reporter na nakatalaga sa Palasyo bunsod ng inilabas na “New Guidelines for Media Accreditation in Malacanang” ng Presidential Communications Office na pinamumunuan ng dating mamamahayag na si Jay Ruiz.
Isa sa nakasaad sa dokumento na ibinigay sa Malacanang Press Corps (MPC), Malacanang Cameramen Association (MCA), at Presidential Photojournalists Association (PPA), bilang bagong pamantayan na itinakda ng PCO para payagan makapag-cover sa Palasyo ang isang mamamahayag ay, “Media organizations shall nominate and certify that the applicant is a regular employee and in good standing.”
Kapag mahigpit na ipinatupad ito, mismong state-owned People’s Television Network Inc. (PTNI) ay walang maitatalagang reporter sa Palasyo dahil lahat ng kanilang reporter ay contract of service lamang at hindi regular na empleyado.
Mayorya rin ng tabloid reporters ay hindi mga regular na empleyado ng kanilang mga kompanya kaya’t posibleng hindi na rin makapagpadala ng reporter sa Malacanang ang mga tabloid.
Kabilang sa bagong pamantayan, maliban sa ang PCO ang magbibigay ng accreditation, maaari rin agad bawiin ito kapag itinuring ng kagawaran ang ulat ng isang mamamahayag bilang “false reporting.”
“Immediate revocation of accreditatiob for any misconduct, false reporting, security violations and any falsificatiob/ misrepresentation in the submission of documents,” sabi ng PCO
Hindi nilinaw ng PCO kung ang interpretasyon nito ng “false reporting” ay may kinalaman sa negatibo o hindi pabor sa gobyerno na balita ng isang reporter.
Dahil sa bagong guidelines lahat ng kasalukuyang nakatalagang mamamahayag sa Palasyo ay ikinokonsiderang mga bagong aplikante kaya’t binigyan sila ng temporary access hangga’t hindi aprupado ang isinumite nilang mga dokumento.
Ang bagong pamantayan ay ipinatupad ng PCO sa panahon na ang mayorya ng matataas na opisyal nito ay mula sa sektor ng media.
Matatandaan halos isang buwan na ang nakalipas mula nang ipatupad ng PCO ang pag-ban sa presidente ng Malacanang Press Corps (MPC) na nagbitiw sa isang peryodiko at lumipat sa isang radio station, na parehong mga media entity na accredited naman ng Palasyo.
Nabatid sa source na isang mataas na opisyal ng kagawaran ang may malalim na hugot sa organisasyon dahil hindi pinayagan na ma-accredit ang pagmamay-ari nitong isang digital TV channel, ilang taon na ang nakakaraan. (ROSE NOVENARIO)