HAHARANGIN ng administrasyong Marcos Jr. ang hinihiling na political asylum sa Netherlands ni dating presidential spokesman Harry Roque.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, gagawin ito ng kagawaran kapag lumabas na ang arrest warrant laban kay Roque at iba pang indibidwal sa isinampang kaso ng DOJ na qualified human trafficking at regular human trafficking case sa Angeles City Regional Trial Court.
Ang mga kasong kinasangkutan ni Roque ay kaugnay umano sa partisipasyon niya hindi lamang bilang abogado ng Whirlwind Corporation kundi bilang kinatawan ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
“Binigyan na ako mismo ng instruction ni [Justice] Secretary [Jesus Crispin] Remulla na kapag lumabas na ‘yung warrant of arrest ay magsulat na sa pamahalaan ng the Netherlands at … ipaalam sa kanila na may ganitong kaso, may warrant si Harry Roque,” sabi ni Ty sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.
Sinabi ni Ty na bahagi ng asylum proceedings ay ang bansang pinagmulan ng aplikante ay kinukuha ang panig.
Iginiit ni Ty na kapag lumabas na ang arrest warrant laban kay Roque, hihilingin ng PH government na ilagay siya sa red notice ng International Criminal Police Organization (Interpol), ang global police group na nagsilbi ng arrest warrant laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC).
“Malinis ang konsensya natin, alam naman natin na ang ginagawa natin ay walang kinalaman sa politika, naaayon lang sa ebidensya kasi alalahanin natin noong ni-raid ng PAOCC (Presidential Anti-Organized Crime Commission) ang Lucky South 99 wala naman silang intensyon na idawit si Atty. Harry Roque,” ani Ty.
“Dito, nagkataon lang na may nakitang mga dokumento doon na kung ano-ano nagkonek sa kanya.”
May umusad na rin na online petition laban sa asylum bid ni Roque at nagsumite na rin ng pormal na liham sa Netherlands ang mga magsasaka na umano’y ingawan niya ng lupa sa Mariveles, Bataasn. (ZIA LUNA)