Wed. May 27th, 2026

📷: Bayan / FB

 

Desperadong pagtatangka ng ‘nanginginig’ ng Duterte bloc ang pinakahuling maniobra na panatilihin ang kontrol sa Senado at gawing entablado ang impeachment trial upang ipawalang‑sala si Vice President Sara Duterte at palakasin ang kanyang kandidatura, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Kaya mariing kinondena ng Bayan ang Duterte‑led bloc sa Senado sa kanilang sabwatan upang baluktutin ang mga tuntunin at payagan ang mga absent na miyembro na makilahok at bumoto sa plenaryo.

“Malinaw na ito’y para protektahan ang puganteng si Senador Bato dela Rosa at iba pang kasapi ng mayorya na maaaring maharap sa kasong katiwalian at pandarambong,”anang Bayan sa isang kalatas.

“Ipinapakita nito ang marupok na kapit ng pro‑Duterte majority sa pamunuan ng Senado na maaaring gumuho anumang oras kapag hinarap na ang kanilang mga kasong korapsyon,” dagdag ng grupo.

Para sa Bayan, lantad na hakbang ito upang palawigin ang impunity at gawing kanlungan ng Senado ang mga tiwaling miyembro at paulit‑ulit na lumalabag sa karapatang pantao.

“Ang panukalang pagbabago sa mga tuntunin ay tahasang sumisira sa panawagan ng taumbayan para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.”

Nanawagan ang Bayan sa mga mamamayan na aktibong tutulan ang mga pakana ng tropang Duterte sa Senado.

“Sama‑sama tayong magtungo sa Senado sa Hunyo 1 upang ipahayag ang ating matinding galit sa lantad na tangkang payagan sina VP Sara Duterte, Senador Bato dela Rosa at iba pang kasapi ng mayorya na umiwas sa pananagutan,” giit ng Bayan.

Babala ng Bayan: “Kung magpupumilit ang pro‑Duterte gang, dapat maging malinaw na may mabigat na kapalit na pulitikal ang kanilang kawalang‑hiyaan.” # (ROSE NOVENARIO)

By admin