Nililito ni Sen. Imee Marcos ang publiko sa mga walang katotohanang pahayag hinggil sa Constituent Assembly, ayon kay Manila 6th District Rep. Benny Abante sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.
“Itong si Senator Imee, eh parang siya ay nagsasabi ng mga bagay na hindi naman totoo. Sapagkat divisive ang kanyang privilege speech. She’s dividing the people. It is confusing the people sapagkat hindi naman napag-uusapan ‘yan,” sabi ni Abante.
Umaasa si Abante na matauhan ang senadora dahil hindi niya dapat pinag-aaway-away ang mga Pinoy gamit ang nasabing isyu.
“I hope that senator imee would realize that. She should not in any way, divide us on this issue,” wika ng kongresista.
Sa kanyang privilege speech kahapon ay ipinalabas ni Marcos ang video na nag-aakusa sa minority bloc na nakikipagsabwatan sa ilang kongresista para isulong ang constitutional assembly upang maisakatuparan ang term extension para sa Pangulo, senators at mga kongresista hanggang 2031 sa halip na 2028.
Madaragdagan din aniya ang bilang ng mga senador sa 36 o 54 mula sa 24 dahil dalawa o tatlo ang iboboto kada rehiyon.
Binawi ni Marcos ang video matapos umalma ang mga senador mula sa monority bloc dahil wala anila itong katotohanan at propaganda lamang ng senadora laban sa kanila at sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang isulong ang interes ni Vice President Sara Duterte na malapit sa senadora. # (RRN)