Sat. May 30th, 2026

📷: BAYAN / FB

 

Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa mga mamamayan na sama-samang magtungo sa Senado sa Lunes, Hunyo 1, upang ipahayag ang matinding galit sa mga pakana ng tropang Duterte o majority bloc na lantad na tangkang payagan sina VP Sara Duterte, Sen. Bato dela Rosa at iba pang kasapi ng mayorya na umiwas sa pananagutan.

Nagbabala ang BAYAN na kung magpupumilit ang pro‑Duterte gang, dapat maging malinaw na may mabigat na kapalit na pulitikal ang kanilang “kawalang‑hiyaan.”

Giit ng grupo, malinaw ang sabwatan ng  Duterte‑led bloc sa Senado upang baluktutin ang mga tuntunin at payagan ang mga absent na miyembro na makilahok at bumoto sa plenaryo.

Klaro na ito anila ay para protektahan ang puganteng si Dela Rosa at iba pang kasapi ng mayorya na maaaring maharap o nasampahan  ng kasong katiwalian at pandarambong.

Sinabi ng BAYAN na ipinapakita nito ang marupok na kapit ng pro‑Duterte majority sa pamunuan ng Senado na maaaring gumuho anumang oras kapag hinarap na ang kanilang mga kasong korapsyon.

“Ang pinakahuling maniobra ng nanginginig na mayorya ay desperadong pagtatangka na panatilihin ang kontrol sa Senado at gawing entablado ang impeachment trial upang ipawalang‑sala ang bise presidente at palakasin ang kanyang kandidatura,” anang BAYAN sa isang kalatas.

Kasabay nito, ito’y lantad na hakbang upang palawigin ang impunity at gawing kanlungan ng Senado ang mga tiwaling miyembro at paulit‑ulit na lumalabag sa karapatang pantao,” dagdag ng grupo.

Naniniwala ang BAYAN na ang panukalang pagbabago sa mga tuntunin ay tahasang sumisira sa panawagan ng taumbayan para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya. # (ROSE NOVENARIO)

By admin