Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang ulat na “stateless person” umano si Speaker Alan Cayetano matapos talikuran ang kanyang U.S. citizenship noong 1999 ngunit hindi muling kinuha ang Filipino citizenship.
Isiniwalat ito ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa online program na “Wala Ka sa Lolo Ko” sa YouTube.
Ipinaliwanag ni Trillanes na ipinanganak si Cayetano bilang dual citizen dahil Amerikana ang ina at Filipino ang ama. Dahil wala pang umiiral na batas sa dual citizenship noon, puwede niyang i-claim ang parehong pagkamamamayan.
“Ni-renounce niya ‘yung U.S. citizenship niya kasi noong ipinanganak siya, dual siya, hindi yung in the sense na dual citizenship law kung hindi, bata siya, nanay niya is an American, tatay niya ay Filipino, ipinanganak siya rito, so puwede niyang i-claim both citizenships,” ani Trillanes.
Ayon pa kay Trillanes, sa edad na 21-anyos ay pinili umano ni Cayetano na maging Amerikano. Nang tumakbo at manalo bilang konsehal at vice mayor ng Taguig, Amerikano pa rin siya.
“Ngayon ‘nung hustong gulang na siya 21 years old, ini-elect niya maging American citizen. Pinili niya maging Amerikano, so Amerikano siya ngayon,” lahad ni Trillanes.
“Tumakbo siya konsehal, vice mayor, nanalo siya as an American kasi ni-renounce niya eh, wala pang dual citizenship noon,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Trillanes na tinalikuran ni Cayetano ang kanyang U.S. citizenship noong 1999 at makalipas ang isang taon ay kumandidato at nanalong kongresista kahit hindi pa umano muling kinuha ang Filipino citizenship.
“Noong 1999, ni-renounce niya ‘yung kanyang American citizenship, pero a year after, nag-congressman na siya. Ngayon, ni-renounce niya ‘yun pero hindi pa rin niya nire-reacquire ‘yung kanyang Filipino citizenship,” paliwanag ni Trillanes.
Giit pa niya, nakailang termino si Cayetano bilang kongresista at senador, naging Foreign Affairs secretary pa, ngunit hanggang ngayon ay “stateless citizen.”
“So from that point on 1999 hanggang nakailang termino siya ng senador, congressman, nag-DFA secretary pa ‘yan, stateless citizen siya, stateless person siya kumbaga hanggang ngayon,” anang dating senador.
Dagdag ni Trillanes, dapat i-validate ng mga awtoridad ang naturang impormasyon upang matiyak kung hindi nga ba muling kinuha ni Cayetano ang kanyang Filipino citizenship.
Binigyang-diin niya na bilang “stateless person,” hindi kuwalipikado si Cayetano na maging kandidato at walang bisa ang kanyang certificate of candidacy.
“So being a stateless person, hindi siya puwedeng nasa Senado. Kumbaga void from the start ‘yung kanyang pag-file ng certificate of candidacy,” sabi ni Trillanes.
Inihalintulad pa niya si Cayetano kay dating DFA Secretary Perfecto Yasay na tinalikuran ang U.S. citizenship bago italaga sa DFA ngunit hindi muling binalikan ang Filipino citizenship kaya’t ibinasura ng Commission on Appointments ang kanyang appointment.
“Pareho sila ng sitwasyon ni Perfecto Yasay, ni-renounce niya ang U.S. citizenship before siya ma-appoint pero hindi niya ni-reacquire ang Filipino citizenship,” ani Trillanes. # (ROSE NOVENARIO)