INILUNSAD ngayong araw kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “protest fasting” ng mga bilanggong politikal sa buong bansa bilang paglantad at pagtutol sa lumulubha nilang kalagayan.
Kabilang sa mga kalahok sa potest fasting ay mga bilanggong politikal sa Palawan, Camarines Sur, New Bilibid Prisons, Metro Manila District Jail , Negros Occidental at Negros Oriental.
Kasama sa mga tampok na isyu na kanilang tinutuligsa ay ang sobrang pagsisikip sa mga piitan dahil sa napakaraming bilang ng mga nabibiktima ng walang kabuluhang giyera kontra-droga at isang bulok na sistemang pangkatarungan.
“Ang congestion rate ay umaabot ng 321% sa mga kulungan ng Bureau of Corrections at 358% sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP),” sabi ng MMDJ political prisoners sa isang kalatas.
Hindi anila sapat ang kantidad at mababa ang kalidad ng mga pagkaing inirarasyon sa mga bilanggo na pinalulubha pa ng mga paghihigpit sa mga pagkaing dala ng mga kamag-anak at mga kaibigan na bumibisita sa kanila.
Hindi rin anila sapat at hindi malinis ang tubig na inumin at panlinis kaya’t maraming bilanggo ang nagkakasakit at namamatay na hindi nagagamot sa mga piitan at mahirap madala sa mga ospital.
“Nahaharap din ang mga bilanggong pulitikal sa patakaran na pisikal na paghiwalay sa kanila sa karamihan ng mga bilanggo at pagbabawal na kausapin sila ng ibang bilanggo. Nagpapalala ito sa kanilang pagiging bulnerable at di makataong pagtrato.”
Binigyan diin nila na nagtatagal sa piitan ang mga bilanggong pulitikal dahil sinampahan ng mga gawa-gawang kasong kriminal tulad ng murder at illegal possession of explosives na hindi maaari ang pagpiyansa para sa pansamantalang paglaya nila.
Pinalala anila ito ng sadyang pagpapabagal sa takbo ng pagdinig sa mga kaso sa korte.
“Isang malaking kawalang hustisya na may mga bilanggong pulitikal na nasa piitan nang pito hanggang sampung taon na ngunit hindi pa rin natatapos ang kanilang kaso sa korte. Kung mapawawalang sala man, ang kanilang mahabang pagkakapiit ay isang sentensya na rin,” giit ng grupo.
Para sa kanila, ang pinakamalubhang parusa para sa mga bilanggong pulitikal ay mahatulan silang maysala sa mga gawa-gawang kasong kriminal na iniharap sa kanila.
“Patuloy na nadaragdagan ang mga convicted at ngayo’y napipiit sa New Bilibid Prisons at ibang kulungan ng Bureau of Corrections na umabot na sa 103. Kabilang dito ang mag-asawang Frank Fernandez at Cleofe Fernandez,” anila.
“Paulit-ulit na tinanggihan ng mga korte ang mga motion para sa pagpapalaya batay sa makataong dahilan sa mga bilanggong pulitikal na may terminal na mga sakit. Ang kasama naming detenido na si Jude Rimando ay nakaratay ngayon sa Philippine General Hospital dahil sa advanced stage liver cancer. Subali’t hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ng isang regional trial court sa Bohol ang kanyang motion for release on recognizance or bail. Kabaliktaran nito ang mabilis na pagpapalaya batay sa makataong dahilan kay dating Senator Enrile,” dagdag nila.
Hindi rin ligtas ang mga bilanggong politikal sa Anti-Terrorism Act of 2020 at kahit pa nakakulong na sila nang pagtibayin ito at kahit nakakulong na sina Vicente Ladlad at Adelberto Silva noon pang 2018, idineklara sila ng Anti-Terror Council na “designated terrorist.
“Mahigpit na tinututulan namin ang pagpayag ng gobyernong Marcos Jr. na tuwirang makialam ang gobyernong US sa pangangasiwa sa mga bilanggong pulitikal,” wika ng grupo
Noong Oktubre 18, 2024, ang Bureau of Corrections at BJMP ay pumasok sa isang kasunduan sa International Criminal Investigative Training Assistance Program (ICITAP) ng US Department of Justice at United Nations Office on Drug and Crimes (UNODC) para sa pagtutulungan sa pangangasiwa sa tinawag nilang “violent extremist offenders” na ang talagang tinutukoy ay ang mga inakusahan nilang mga rebeldeng Komunista at Muslim sa mga piitan.
Plano ng ICITAP at UNODC na ipatupad ang programa nilang “preventing and countering violent extremism in jails” at batay rito, nahaharap ang mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas sa mas mahirap na kalagayan.
Kaugnay nito, nanawagan ang political prisoners mula sa Negros na patigilin ang Department of Justice (DOJ) sa paglitis sa mga miyembro ng Negros Occidental-based Paghida-et sa Kauswagan Development Group (PDG) at sa Cebu-based Community Empowerment Resource Network (CERNet), pawang non-government organizations (NGOs) na red-tagged at malisyosong inakusahan ng “financing terrorist organizations” dahil sa paglulunsad ng socio-economic projects para sa mga magsasaka at mga katutubo sa mga lugar na klasipikado ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) bilang “geographically isolated.”
Binigyang-diin nila na ang gawain ng mga NGO na ito’y pumupuno sa mga puwang sa mga programa laban sa kahirapan ng gobyerno at ang nakikinabang at mga komunidad sa kanayunan sa Visayas.
Sa kanilang protest fasting ay nanawagan ang political prisoners na palayain ang lahat ng bilanggong political lalo na ang matatanda na at may mga malulubhang sakit tulad ni Jude Rimando, ipawalang bisa ang Anti-Terrorism Act at itigil ang tuwirang pakikialam ng US sa pangangasiwa sa mga bilanggong political. (ROSE NOVENARIO)