Sat. Nov 23rd, 2024

DAPAT maglagay ng mga safety net para sa mga manggagawang Pinoy sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na maaapektuhan sakaling ipagbawal na ang lahat ng POGO sa bansa.

“Sisiguraduhin namin na ang pagsasabatas ng pagbabawal sa mga POGO ay may kasamang probisyon para sa mga safety net upang hindi maapektuhan ang mga kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya,” sabi ni  Sen. Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means na kamakailan lang ay nagsagawa ng pagdinig hinggil sa panukalang pagbabawal sa lahat ng mga POGO.

Ayon sa senador, kailangan ng gobyerno na maglatag ng tinatawag na transitory mechanisms kapag tuluyan nang mawala ang mga POGO sa bansa, tulad ng trabaho sa mga apektadong Pilipino. Sinabi pa ni Gatchalian na ang kapakanan ng mga manggagawang kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya ay dapat isaalang-alang.

Batay sa datos na ipinakita ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nanggaling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), may 25,064 na Pilipino ang nagtatrabaho sa iba’t ibang POGO na tumatakbo sa bansa noong 2023. Ito ay 52.2% ng mga manggagawang pinoy kumpara sa 22,915 ng mga dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa industriya.

Kabilang sa mga safety net para sa mga manggagawa ng POGO ang upskilling at reskilling programs upang matiyak na magkakaroon ng mga kapalit na trabaho ang mga maaapektuhang manggagawa sa lalong madaling panahon.

Kasunod ng ipinahayag na suporta sa iminumungkahing batas na ipagbawal ang operasyon ng POGO sa bansa, sinabi ni DOLE Undersecretary Felipe Egargo na handa ang departamento na ipatupad sa lalong madaling panahon ang mga programang tutulong sa mga manggagawa ng POGO.

Ayon kay Egargo, nakahanda ang DOLE na magsagawa ng mga programa para sa reskilling at upskilling ng mga mawawalan ng trabaho sa mga POGO bukod sa livelihood at emergency na trabaho sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), ang community-based emergency employment ng DOLE para sa mga manggagawang nawawalan ng trabaho. Ang programa ay una nang ipinatupad ng DOLE noong panahon ng pandemya.

Hiniling pa ni Gatchalian sa DOLE na magsagawa ng skills mapping ng POGO workers upang matiyak ang mga partikular na programa na maaaring ipatupad para sa naturang mga manggagawa.

“Kailangan nating pangalagaan ang kapakanan ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa mga kumpanya ng POGO na maaapektuhan sakaling alisin na ang lahat ng POGO sa bansa,” pagtatapos niya. (NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *