Thu. Sep 19th, 2024

Binasag na ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo ang kanyang pananahimik kaugnay sa kontrobersyal na alitan nila ng kanyang sariling ina na si Angelica Yulo.

Nitong Martes, August 6, 2024, nag-post ng video sa TikTok si Carlos para isa-isang sagutin ang mga pahayag ng kanyang ina laban sa kanya at sa girlfriend niyang si Chloe San Jose.

Kasama ni Carlos sa video si Chloe.

CARLOS YULO ADDRESSES MONEY ISSUE WITH MOTHER

Unang sinagot ni Carlos ang tungkol sa usapin ng pera buhat sa allowance at kinikita niya bilang atleta para sa national team..

Kaugnay ito ng akusasyon ng ilang netizens na “mukhang pera” ang ina ni Carlos at naghahabol umano ito sa perang kinikita ng anak.

May mga nagsabi pang winaldas umano ng pamilya ni Carlos ang perang galing sa mga kumpetisyong sinalihan nito nang walang pahintulot, dahilan para sumama ang loob ng atleta.

Bagay na itinanggi ni Angelica nang makapanayam siya ng Bombo Radyo noong August 4.

Kabilang sa nabanggit ni Angelica ang tungkol sa cash incentives na PHP70,000 na natanggap ni Carlos mula sa World Championship 2021. Pinaghihinalaan daw ni Carlos na ginastos ito ni Angelica dahil siya ang may hawak ng bank passbook ng atleta.

Ang totoo raw ay idineposito niya ito sa bangko gamit ang kanyang pangalan, para may madukot daw sila sa oras na maubos ang ipon ng anak.

Ngunit ayon kay Carlos, hindi lang PHP70,000 ang perang nakuha ng kanyang ina mula bank account niya.

Sa tantiya ng Olympic champion, aabot ito ng mahigit isandaang libo na hindi man lang daw ipinaalam sa kanya ng ina nang pumasok ito sa bank account niya.

Pahayag ni Carlos: “Unang-una po, yung seventy [thousand] na incentive na sinasabi niya from World Championships 2021 po.

“Unang-una po, 2022 [World Championships] po yon.

“At hindi lang po seventy [thousand] yung na-receive ko po doon.

“Alam ko, six digits po yon dahil dalawa po yung nakuha kong medalya.

“After nun, mga bandang December, umuwi ako sa Pilipinas. Nagkikita kami ng mama ko at hindi niya sa akin sinasabi na na-receive niya na pala yung incentives ko from World Championships.

“Hindi ko pa po malalaman na na-receive niya na pala yung incentives ko [from World Championships] kung hindi ko pa hinanap.”

Wala naman daw kaso kay Carlos kung nagastos ng kanyang pamilya ang cash incentives niya. Ang gusto lang daw niya ay agad ipinaalam sa kanya ang perang pumapasok sa bank account niya, at kung gagastusin man, saan ito ginamit ng kanyang ina.

Saad niya: “Never ko na po na-receive yung incentives ko po na yun, at never ko na rin naman po na hiningi yun sa kanila.

“Binigay ko na at wala na po yun sa akin. Ang sa akin lang naman, gusto ko malaman kung saan napunta yung incentives ko po na yan.

“Yung principle po kasi dito, wala po sa liit o laki ng amount po na incentives po na ginalaw niya, kundi po sa pagtago at paggalaw niya nang wala ko pong consent, yung pina-point ko po sa kanya.”

CARLO ON ANGELICA “JUDGING” CHLOE

Sinagot din isa-isa ni Carlos ang mga binitawang pahayag ng kanyang ina tungkol sa nobya niyang si Chloe San Jose.

Sa panayam ni Angelica sa Bombo Radyo, nadawit ang pangalan ni Chloe na diumano’y siyang mitsa kung bakit nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Carlos at ang kanyang ina.

Base sa naging inerbyu ni Angelica ay mahihinuhang hindi siya boto kay Chloe bilang girlfriend ng anak.

Paliwanag dito ni Carlos, “Yung about sa red flag daw po si Chloe na sinabi ng mama ko, hinusgahan niya po agad si Chloe sa pananamit at sa pag-akto po niya.

“Magkaiba po [kami] ng kinalakihan.

“Unang-una po, lumaki si Chloe sa Australia. At ayun yung kinagisnan niyang culture na ibang-iba po talaga sa Pilipinas — kung paano tayo gumalaw, magsalita o manamit po.”

Hindi rin daw totoo ang iniisip ni Angelica na huhuthutan lamang ng pera ni Chloe si Carlos kaya ito nakipagrelasyon sa anak.

Depensa ng Olympic gold medalist sa kasintahan: “Yung about po sa ‘mauubos yung anak ko’ na sabi rin po ng mama ko, unang-una po, si Chloe po ay may sariling income.

“Lahat po ng nakikita niyang gamit o yung pagta-travel niya kung saan-saan ay galing po yon sa pinagpaguran niya po.

“Bakit naman po ako mauubos? Gaya nga po ng sinabi ko, si Chloe po ay may sariling income and lahat po ng bank accounts ko ay nasa mama ko.

“May mga instances nga na si Chloe pa yung sumasalo sa akin that time.

“Bukod kasi sa incentives, nasa kanya [Angelica] rin yung bank account ko na pinapasukan ng monthly allowances sa pagdyi-gymnastics ko.”

Ayon pa kay Carlos, kung tutuusin ay hindi raw si Chloe ang dapat pag-isipan ng masama kundi ang sarili niyang ina na makailang beses daw nahuli ng atleta na nagwi-withdraw ng pera sa kanyang bank account nang walang pasabi sa kanya.

“Noong nakuha ko na po sa kanya [Angelica] yung bank accounts ko, doon ko po nalaman na inuubos niya po yung laman nun.

“Nasa akin po yung mga bank statements ng withdrawal po na ginagawa niya,” sabi ni Carlos.

Sa lahat daw ng sinabi ni Angelica sa kanyang interbyu, tila isa lang umano ang totoo.

Sabi ni Carlos: “Sabi rin po niya na nagsimula po yung hindi namin pagkakaintindihan dahil kay Chloe daw po.

“Opo, totoo po yon.

“Dahil unang-una pa lang, ayaw na niya kay Chloe kahit na hindi pa niya nakikita or nakikilala in person.

“Mas nagkalabuan po kami noong naglagay ako ng boundaries sa relationship ko kasi pinaglaban ko po si Chloe dahil gusto ko po siya, e.”

CARLOS ON ANGELICA CALLING CHLOE AN “OUTSIDER”

Nilinaw rin ni Carlos ang isyu ng pagtawag ni Angelica kay Chloe na “outsider” nang mabuking niyang nakikituloy ito sa apartment ng anak sa Japan habang nagte-training.

Ito ang sinasabing dahilan ni Angelica kaya mas lalong nagliyab ang galit niya kay Chloe.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Angeica, sinabi niyang sumunod ang nakababatang kapatid ni Carlos na si Eldrew at isa nitong teammate na si Miguel sa Japan para mag-training.

Ang usapan daw nila ay makikituloy sina Eldrew at Miguel, na pareho ring gymnasts, sa apartment na tinutuluyan ni Carlos.

Ngunit bago pa man makarating ang dalawa sa Japan, nalaman daw ni Angelica na sa apartment ng kanyang anak tumutuloy si Chloe nang walang pasabi sa kanila.

Dahil menor de edad daw noon si Eldrew, hindi pumayag si Angelica na manatili si Chloe sa apartment na tinutuluyan ng kanyang mga anak. Dahil dito, nagkasagutan daw sila ni Carlos.

Depensa rito ni Carlos, hindi totoong napag-usapan nila na sa apartment niya makikituloy ang kanyang kapatid at kasama nito.

Hindi rin daw totoong pinagbawalan si Chloe ng kanyang coach na bumisita sa apartment niya.

Paglilinaw ni Carlos: “Yung about naman sa training camp na kinukuwento niya na si Chloe, e, dapat wala na raw doon sabi ng former coach ko pagdating nung dalawang magte-training.

“Usually, kapag nagte-training kami, e, laging naka-hotel. And miscommunicated yon na doon pala sila [Eldrew at Miguel] sa akin mag-i-stay.

“Hindi rin totoo na pagpunta nung dalawang bata doon, wala na si Chloe kasi sabay-sabay silang pumunta dun.

“Actually, nagulat pa yung former coach ko kasi nandoon si Chloe.

“Winelcome naman namin sila talaga, nag-prepare kami para sa kanila. So, hindi ko alam kung bakit ganun ngayon yung sinasabi niya [Angelica].

“At yung sinasabi po niya na dapat wala daw pong outsider or guest daw po doon sa apartment ko po, hindi rin po yun totoo.

“Kasi, wala naman naka-indicate sa contract na bawal yung guest or outsider sa loob ng apartment ko.

“Actually, invited po si Chloe ng former coach ko from Japan nung SEA Games pa lang po sa Vietnam. Sinabihan kami na, ‘Invite mo na lang si Chloe sa Japan and doon kayo mag-hang out.'”

Sinagot din ni Carlos ang sinasabing pangamba ng kanyang ina noon kung sakaling magkasama-sama sila ng kanyang kapatid sa isang apartment na nandoon si Chloe.

Diin ni Carlos: “Yung sinasabi niya po na nandoon yung dalawang bata po, at nakabalandra daw yung puwet po [ni Chloe], bilang nakakatandang kapatid po, bilang boyfriend ni Chloe po, at bilang ate at kuya po, kami po, aalagaan po namin sila.

“Hindi namin po gagawin yung mga iniisip niya na ganun. Ang dumi niya mag-isip.

“At hindi appropriate yun para sa akin at disrespectful yun actually sa akin and kay Chloe po.”

CARLOS ON ANGELICA BLAMING CHLOE FOR STRAINED RELATIONSHIP WITH SON 

Hindi raw maintindihan ni Carlos kung saan nanggagaling ang kanyang ina, lalo na nang sabihin nitong inilalayo siya ni Chloe sa pamilya nito.

Sa pagkakatanda raw ni Carlos, unang beses na maramdaman niyang may tampo ang ina sa kanya ay noong umuwi siya ng Pilipinas galing training sa ibang bansa at hindi siya umuwi sa kanila.

Nagpaalam naman daw siya noon kay Angelica na kay Chloe muna siya uuwi dahil may plano silang magbakasyon sa Baguio.

Lahad ni Carlos, “Sabi niya pa na feeling niya nilalayo ako ni Chloe sa kanila.

“Unang-una po nun, months before nun, kasi uuwi po ako nun, three days yon, sinabihan ko na sila na mag-i-spend time ako kay Chloe.

“Nagpunta kami sa Baguio, isinama ko si Chloe, nag-spend time kami.

“Nakikihalubilo naman kami, hindi naman ako nilalayo sa kanila ni Chloe.”

Simula raw noon ay pinagba-block na raw ng pamilya ni Carlos, sa pangunguna ng kanyang ina at dalawang nakababatang kapatid, si Chloe.

CARLOS’ MESSAGE TO HIS MOTHER

Sa huli, may mensaheng nais ipaabot si Carlos sa kanyang pamilya, lalung-lalo na sa ina.

Aniya, “May recent interview po kayo na kino-congratulate niyo po ako.

“Kung genuine po talaga kayo, Ma, maraming-maraming salamat po. Ina-acknowledge ko po yung pagko-congratulate niyo sa akin.”

Ngunit hindi raw nito mabubura ang sakit na naramdaman ni Carlos sa lahat ng sinabi at hindi pagsuporta sa kanya ng ina sa mahalagang laban niya sa Paris Olympics, kung saan nagkamit siya ng dalawang gintong medalya.

Gayunpaman, hiling ni Carlos na matuldukan na ang pagpaparinig ng ina sa social media at mas manaig dito ang pagmamahal nito sa kanya.

Mensahe ni Carlos kay Angelica: “Nagpa-flashback pa rin po talaga yung masasakit niyong sinabi sa akin. At yung mga hindi niyo pag-wish well sa akin.

“Tumatatak po yun sa akin talaga.

“Ang message ko po sa inyo na mag-heal kayo, mag-move on

“Napatawad ko na kayo a long time ago po. At [sana] nasa maayos kayong kalagayan diyan lahat.

“Tigilan na po natin ito at i-celebrate na lang po natin yung mga ginawa po ng paghihirap, pagsasakripisyo ng bawat atletang Pilipino dito sa Olympics.” (mula sa ulat ng pep.ph)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *