Nabisto ang hinihinalang shabu na umabot sa higit ₱1.3-bilyong halaga ang tinangkang maipuslit at nabigong maipasok sa Manila International Container Port (MICP).
Ito’y matapos matuklasan ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang humigit-kumulang 200 kilo ng hinihinalang droga sa isang kargamentong mula sa Lao PDR at ikinarga sa Haiphong, Vietnam.
Iprinisinta sa media ng BOC kasama si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang natuklasang mga hinihinalang droga sa nakasalansang mga karton sa loob ng isang 40-foot container sa MICP.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng intelligence report mula sa PDEA Intelligence Service tungkol sa kahina-hinalang shipment na idineklarang naglalaman ng mga carton box.
Nakikipag-ugnayan na ang CIIS sa PDEA Intelligence Service at Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) para sa mga backtracking effort upang matunton ang pinagmulan ng kargamento at matukoy ang mga nasa likod ng tangkang pagpupuslit.
Tiniyak naman ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na hindi hahayaang magamit ang mga pantalan sa pagpupuslit ng iligal na droga at patuloy na palalakasin ang intelligence gathering, inspeksyon at koordinasyon sa PDEA at PNP upang mahuli ang mga nasa likod ng iligal na operasyon.# (TAMMY QUIBRAL)