DISKOMPIYADO si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa loyalty ng magkapatid na Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla at DILG Secretary Jonvic Remulla sa administrasyong Marcos Jr.
Sinabi ni Trillanes na may “pattern” na umano ang mga ginagawa ng Ombudsman dahil sa hindi pag-usad ng mga kaso laban sa mga Duterte at mga kaalyado nito sa anti-graft body.
“May pattern na. Lahat ng mga kaso ng kampo ng mga Duterte ay hindi ginagalaw ni Ombudsman Boying,” aniya sa panayam sa Storycon sa One News.
Inihalimbawa niya ang isinampa niyang P6.6-B plunder case laban kay Sen. Bong Go kaugnay sa umano’y conflict of interest sa nasungkit na 200 proyekto ng construction firm ng ama at kapatid nito.
Kinuwestiyon din niya na ginawang state witness ng Ombudsman si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa mga kaso ng flood control projects na naganap sa panahon ng administrasyong Marcos Jr. samantalang noon pang 2017 ay nagsimula na umano ito.
“Nagtataka ako na itong si Bernardo na ginawa niyang state witness ay creation ito ng Duterte administration,” wika ni Trillanes.
“Nagsimula ito 2017 pero ang tinatanong lang nila rito, nung pinatawag nila ito ay 2022 pataas kaya nagka-impression ang publiko ang flood control issue sa Marcos administration samantalang si Bernardo nagsimula ito roon,” dagdag niya.
Marami pa aniyang nakatenggang kaso sa Ombudsman gaya ng mga reklamo laban kina Vice President Sara Duterte at dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.
Hinamon ni Trillanes ang Ombudsman na aksyonan ang mga kasong ito kung walang katotohanan na may “parking fee” sa anti-graft body.
“May ugong-ugong na may tinatawag kasing parking fee dyan sa Ombudsman. Ngayon, ang pinaka-proof na hindi tumatanggap yung Ombudsman Boying Remulla ng parking fee na ito ay pagalawin mo yang mga kasong iyan,” sabi ni Trillanes.
Kaduda-duda rin aniya na ginamit na testigo ng Ombdusman ang “Maleta Boys” gayong kabilang sa mga inakusahan ng mga ito na hinatiran ng pera ay mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at maging siya, na nabistong peke at ang ibang kasamahan ng mga ito’y bumaligtad na.
“Very suspicious na. Ang pinagalaw niyang mga kaso ay yung mga kaso sa current administration.In fact, yung Maleta Boys ginawa pa niyang testigo. The very same people who accused the President, among others, kami. Na-debunk na ito publicly, nag-recant na yung iba, ginagamit ni Boying as witness,” paliwanag ni Trillanes.
“Ano ito kumbaga he is sleeping with Baligod na alam naman natin na isang alagad ng Duterte camp,” dagdag niya.
Nang mabalitaan aniya ng Ombudsman na may ICC arrest warrant laban kay Sen. Bato dela Rosa noong Nbyembre 2025 ay inanunsyo agad ito kaya nakapagtago ang senador.
Nang lumutang naman aniya si Bato noong Mayo 2026 ay hindi ito inaresto ng DILG secretary kaya nakapagtago at hanggang sa ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad.
“Hindi pa ba nagtataka sa loyalty ng magkapatid na ito? Kasi wala pa silang ginagawa rito sa Duterte camp. Lahat ng ginagawa nila ay against sa administration,” sabi ni Trillanes.
“Ano ba itong DILG secretary, napaka-incompetent niya o compromised siya meaning naglalaro sa dalawang ilog or duwag siya sa mga Duterte? O baka nga all of the above. Yun ang problema natin,” ayon kay Trillanes.
“Hearing his statements, hihimatayin ka na lang. This guy does not know his job, yun po ang masakit na katotohanan,” wika niya. # (RRN)