Sun. Nov 1st, 2026

Nilaglag ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa International Criminal Court (ICC) na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, noong ito pa ang namumuno sa Philippine National Police, ang nag-utos sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Inihayag ito ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na isa sa mga abogado ng mga kaanak ng mga biktima ng drug war ni Duterte sa panayam sa DZMM.

“Parang itinuro na sila (mga pulis) ni President Duterte sa last confirmation of charges hearing.Ang banggit ni President Duterte doon, nung ina-allege ng prosecution na may common plan, na utos nya yun, ang sagot niya “ hindi ko inutos iyon. Gawa ng mga pulis yun,” sabi ni Colmenares.

“Essentially, nilaglag nya ang mga pulis, including Sen. Bato. Ibig sabihin, si Bato pala ang nag-utos nun. Ganun ang pahiwatig nya,” dagdag ni Colmenares.

Ang sinabi aniya ni Duterte sa ICC ay taliwas sa naging assurance nito sa mga pulis na handa siyang magpakulong para sa kanila sa implementasyon nila ng kanyang drug war.

“Dati-rati ang sabi ni President Duterte “magpapakulong ako para sa inyo, huwag kayong mag-alala. I-amnesty ko kayo, i-pardon ko kayo.” Ngayon bigla niyang sinabi na “hindi ko inutos yun.” Nilaglag nya eh,” sabi ni Colmenares.

Malaking tulong aniya na madakip ng mga awtoridad si Dela Rosa sa matagal nang paghahanap ng hustisya ng mga kaanak ng mga biktima ng drug war.

“Siya naman ang chief PNP. Siya naman ang nag-isyu ng OPLAN Double Barrel. Ang tingin ng mga kaanak ng mga biktima, si Sen. Bato is as much as responsible kay Duterte,” paliwanag niya.

“Si Sen. Bato will have a different confirmation of charges. Kakasuhan siya kapag nahuli, idadaan sa due process ng ICC yan,” aniya.

Naglaan ang DILG ng P50-M pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad para madakip si Dela Rosa.# (ROSE NOVENARIO)

 

 

 

By Web Dev