Hindi na kailangan maglabas ng wanted poster ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil lahat ng Pinoy ay kilala naman ang kanyang hitsura, ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co.
“Hindi sa hindi magawa. We do not see any need for now. Kasi unang-una, sino bang hindi nakakakilala sa itsura ni Senator Bato?,” sabi ni Co.
Batid naman aniya ng lahat na pinaghahanap siya ng mga awtoridad at may P50-M reward para sa ikadarakip ng senador.
“Everybody has heard that there is a P50 million reward for those who will be able to give his location. And alam natin na pinaghahanap po siya ng awtoridad,” dagdag niya.
Tumanggi si Co na isiwalat ang mga detalye sa pagtugis kay Bato dahil maaaring makompromiso ang police operations at malagay sa panganib ang mga kalahok sa pagtugis sa kanya.
Ipinagtanggol ni Co ang klasipikasyon ng PNP kay Bato bilang “armed and dangerous” dahil 90 armas ng senador ay hindi pa naisusuko sa pulisya.
Naghain ng petition kahapon ang kampo ni Bato sa Korte Suprema na humihiling na ipatigil ang pagsisilbi sa senador ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) bilang co-perpetrator ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity. # (RRN)
