Nanawagan ang Truth Commission sa Professional Regulation Commission (PRC) na imbestigahan ang mga doktor na umano’y naglagay ng maling sanhi ng pagkamatay sa death certificates ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) noong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun, may 13 kaso sa Caloocan at Quezon City kung saan nakasaad sa death certificates ang mga natural na sanhi ng kamatayan gaya ng pulmonya, stroke, at atake sa puso. Ngunit nang mahukay at masuri ang mga labi, natuklasang may mga tama ng bala sa ulo at katawan ang mga biktima.
Sinabi ni Fortun na posibleng may naganap na falsification dahil malinaw na marahas ang paraan ng pagkamatay ng mga biktima. Natukoy rin umano ang apat pang doktor na lumagda sa mga death certificate, kabilang ang ilang dokumentong nagsasabing namatay ang mga biktima dahil sa “acute myocardial infarction” sa kabila ng mga tama ng bala.
Ayon kay Truth Commission chairperson Raul Pangalangan, pormal nilang isusumite sa PRC ang mga death certificate bilang ebidensya upang mapanagot ang mga sangkot. Kinuwestiyon din ni Fortun ang ilang sulat-kamay na death certificate na inilabas sa mga urban areas gaya ng Caloocan at Quezon City.
Samantala, sinabi ni Atty. Ted Te ng Free Legal Assistance Group na maaaring maharap sa kasong kriminal ang mga doktor kung mapatutunayang sinadya ang maling sertipikasyon.
Aniya, maaari ring maitama ang mga death certificate sa pamamagitan ng korte, gaya ng naging desisyon ng Court of Appeals noong 2022 na baguhin ang sanhi ng pagkamatay ng 9-anyos na si Lenin Baylon mula bronchopneumonia tungo sa gunshot wound.# (RRN)