IPINAHIWATIG ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na susuong sa “numbers game” sa Senado sakaling magpasya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumalik sa International Criminal Court (ICC).
“If [the Philippines] wants to rejoin, that would have to go through the process—our representative in the Hague would signify our intent to recognize again the agreement, it has to be ratified by the President, and after the President’s ratification, it has to be concurred by the Senate by two-thirds vote,” sabi ni Dela Rosa sa panayam kahapon sa Headstart sa ANC.
Ayon kay Dela Rosa, isa sa mga respondent sa mga kasong inihain sa ICC kaugnay sa madugong Duterte drug war, hindi lamang si Marcos Jr. ang magpapasya kung babalik ang Pilipinas sa ICC dahil kailangang ratipikahan ito ng Senado.
‘Back to square one’ “So that’s the process. [It’s] back to zero, back to square one,” sabi ng mambabatas.
Sa kabila nito’y igagalang naman niya ang anomang prosesong ginagawa ng ICC kahit naniniwala siyang wala silang karapatang makialam at puwersahin ang sinumang mamamayan ng Pilipinas na dumalo sa anumang pagdinig nila at sumagot sa kanilang mga tanong.
Sa isa pang panayam ay inihayag ni Dela Rosa na may mga kumukuwestiyon umano sa timing ng mga inihaing resolution sa Mababang Kapulungan na nag-uudyok sa administrasyong Marcos Jr. na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.
“Bakit ngayon lang ‘yan nagsipaglabasan itong mga resolution kung kailan nagkakaroon ng gusot between the Speaker of the House (Martin Romualdez) and Vice President (Sara) Duterte and former President (Rodrigo) Duterte?” sabi niya sa The Source sa CNN.
“Para bang the people are thinking that, ‘Are they going to weaponize the ICC in order to silence the Dutertes?’ ‘Yon ang nagiging tanong,” dagdag niya.
Noong 2019, ang Pilipinas, sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay umatras sa Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng ICC, matapos simulan ng tribunal ang isang paunang pagsisiyasat sa drug war ng kanyang administrasyon, na sinundan ng paglulunsad ng isang formal inquiry sa huling bahagi ng taong iyon.
Nagdesisyon ang Korte Suprema noong 2021 na kailangang makipagtulungan ang Pilipinas sa ICC sa kabila ng pag-alis nito sa Rome Statute. (NINO ACLAN)