Wed. Feb 11th, 2026

Naghain ang Makabayan bloc ng House Resolution No. 762 upang paimbestigahan sa Kamara ang mga ulat na si Jeffrey Epstein, isang nahatulang sex offender, ay gumamit ng team sa Pilipinas para burahin ang mga negatibong impormasyon tungkol sa kanya sa internet.

Sa ilalim ng resolusyon, inatasan ang mga komite sa public information at women and gender equality na siyasatin ang lawak ng network ni Epstein sa bansa, kabilang ang mga lokal na indibidwal o ahensya na maaaring nakatulong o nakinabang sa kanyang operasyon.

Ayon kina Gabriela Rep. Sarah Jane Elago, Kabataan Rep. Renee Louise Co, at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, dapat ding imbestigahan ang umano’y media manipulation at reputation management na isinagawa mula sa Pilipinas upang mailayo si Epstein sa pananagutan.

Layunin din nilang magrekomenda ng mas mahigpit na regulasyon at parusa upang hindi magamit ang bansa bilang base ng mga krimen gaya ng trafficking at sexual exploitation.

Batay sa mga dokumento ng U.S. Department of Justice, si Al Seckel, na may kaugnayan kay Ghislaine Maxwell, kasintahan at kasabwat ni Epstein, ang umano’y nag-outsource ng kompanya sa Pilipinas para itago ang mga negatibong link at palitawin ang positibong imahe ni Epstein.

Sa mga email noong 2010, ipinagyabang ni Seckel ang “group in the Philippines” na gumagawa ng mga website at nag-e-edit ng Wikipedia entries upang ipakita si Epstein bilang isang pilantropo at tagasuporta ng agham.

Naaresto si Epstein noong 2019 dahil sa trafficking at pang-aabuso sa mga menor de edad sa U.S. at ibang bansa. Namatay siya sa kulungan makalipas ang ilang buwan habang naghihintay ng paglilitis.

Kabilang sa mga kilalang personalidad na umano’ y naging kaibigan niya, batay sa isinapublikong Epstein Files, ay sina  Donald Trump, Andrew Mountbatten-Windsor, Bill Clinton, Mette-Marit, Crown Princess ng Norway, at iba pa na nagdulot ng malaking kontrobersya. (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *