Fri. Feb 13th, 2026

Tinutulan ng International Criminal Court (ICC) prosecutors ang apela ng depensa ni Duterte sa desisyon na siya’y may kakayahang humarap sa paglilitis at sa hiling na walang takdang pagpapaliban.

Sa siyam-na-pahinang mosyon na may petsang Pebrero 12 na nilagdaan ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, iginiit ng prosecution na walang “appealable issue” na iniharap ang depensa at basta lamang hindi sumang-ayon sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Enero 26.

Binigyang-diin nila na ang pag-apela sa yugtong ito ay lalo lamang magpapabagal sa kaso, na naantala na ng limang buwan para sa pagsusuri sa kalusugan ni Duterte.

Ayon sa depensa, nagkamali ang Chamber sa pagtanggi sa klinikal na ebidensiya, sa hindi pagpayag sa isang evidentiary hearing, sa kakulangan ng malinaw na paliwanag, at sa paglimit ng pagsusuri sa pre-trial phase.

Pinabulaanan ito ng prosecution at sinabing isinasaalang-alang ng Chamber ang lahat ng ulat medikal, gumamit ng multidisciplinary panel ng mga eksperto, at nagbigay ng sapat na paliwanag sa kanilang pasiya.

Dagdag pa nila, walang obligasyon sa ilalim ng mga patakaran ng ICC na magsagawa ng hearing sa isyu ng fitness to stand trial.

Binigyang-diin ng prosecution na kung may bagong usapin hinggil sa kalusugan ni Duterte, maaari itong muling ihain sa Trial Chamber. Ang mga nakaraang konklusyon ay limitado lamang sa pre-trial stage at hindi awtomatikong makaaapekto sa paglilitis.

Nakatakda ang confirmation of charges hearings laban kay Duterte mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026, kaugnay ng mga umano’y crimes against humanity na naganap sa ipinatupad niyang war on drugs. (ROSE NOVENARIO)

 

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *