Fri. Feb 13th, 2026

Kinondena ng mga grupong pang-agham at teknolohiya ang panukala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na i-block ang Signal, na anila’y hindi lamang isang “mabilisang solusyon” sa spoofing kundi posibleng pagtatakip sa mas malalim na isyu ng korupsiyon.

Sa pahayag ng Computer Professionals’ Union (CPU) at AGHAM Advocates of Science and Technology for the People, binigyang-diin na hindi natatangi sa Signal ang spoofing at maaaring mangyari sa anumang messaging platform. Ngunit ang Signal, na nakabatay sa privacy at end-to-end encryption, ang siyang pinupuntirya.

Sa halip anila na palakasin ang imbestigasyon at koordinasyon ng mga ahensya, muling bumabalik ang gobyerno sa restriksyon at kontrol,” ayon sa kanilang pahayag.

Itinuring nilang “band-aid solution” ang pagbabawal sa platform, na madaling lampasan gamit ang VPN o alternatibong apps.

Ang mga ordinaryong gumagamit, mamamahayag, aktibista, propesyonal, at pribadong mamamayan, ang higit na maaapektuhan, habang ang mga may intensyong manloko ay makakahanap ng paraan.

Mas mabigat na tanong anila ang lumitaw: bakit ngayon ibinabawal ang Signal, sa gitna ng mga ulat na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at isang “bagman” ay gumamit nito upang pag-usapan ang bilyon-bilyong pisong pondo mula sa korupsiyon?

“Why block Signal now, amid publicly reported allegations that President Marcos and a ‘bagman’ used it to discuss the exchange of billions of corrupted funds?” anila.

Giit ng CPU at AGHAM, kung tunay na spoofing ang dahilan, iginiit ng mga grupo na dapat itanong ng publiko kung ang hakbang ay para protektahan ang mamamayan o para takpan ang mga bakas ng korupsiyon na kinasasangkutan ng Pangulo.

“If the government is truly concerned about what happens on Signal, then the public should be asking: is this about protecting people from spoofing, or about covering the corruption trails involving the President?” dagdag na tanong nila.

Itinuro rin nila ang pattern ng gobyerno sa mga polisiya gaya ng SIM Registration, na nagpapalawak ng akses ng estado sa personal na datos sa ngalan ng “seguridad.” Sa bawat hakbang, unti-unting isinusuko ng publiko ang kanilang privacy kapalit ng pangakong kaligtasan.

“Ang seguridad ay hindi dapat isakripisyo ang batayang digital rights. Ang tunay na solusyon sa spoofing ay dapat nakatuon at nakabatay sa privacy, hindi sa mga hakbang na nagno-normalisa ng censorship at surveillance,” giit ng CPU at AGHAM.

Isiniwalat kamakailan nina Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na ipinakita sa kanila ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang hawak niyang record ng umano’y palitan ng text messages nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating PLLO chief Adrian Bersamin hinggil sa kickback sa flood control projects. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *