Binatikos ni dating National Economic and Development Authority (NEDA) chief Solita “Winnie” Monsod ang paglilipat ng pananagutan sa paglalabas ng unprogrammed appropriations, na aniya’y hindi patas kay dating Budget Secretary Amenah Pangandaman dahil matagal nang nakaugaliang ang Pangulo ang nagbibigay ng pahintulot.
Sa panayam sa Facts First with Christian Esguerra podcast, inalala ni Monsod na sinabi mismo ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa isang public forum na “walang nilalabas mula sa unprogrammed appropriations nang walang pahintulot ng Pangulo ng Pilipinas, hindi lang ng DBM.”
Giit ni Monsod, ang mga pahayag na nagsasabing DBM lamang ang nag-aapruba ay taliwas sa patakaran, at nagiging dahilan para gawing “scapegoat” si Pangandaman.
“Do you think Amenah Pangandaman would do all that on her own? Nothing is released without the approval of the president?” diin ni Monsod sa podcast.
Ikinompara niya ito sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada, na nag-utos na lahat ng kontratang nagkakahalaga ng ₱50 milyon ay kailangang dumaan sa Malacañang. Ginawa pa itong pormal na executive order ni Estrada, ayon kay Monsod.
Dagdag niya, bagama’t hindi nakasulat ang kasalukuyang patakaran sa budget release, ito ay matagal nang sinusunod.
“That was the rule all the way up to Pangandaman’s time. And now it seems that Pangandaman is getting all the blame to herself because of that,” ani Monsod.
Naisiwalat sa mga imbestigasyon na mayorya sa maanomalyang flood control projects ay nagmula sa unprogrammed appropriations o mga dagdag na pondo na inilalabas kapag lumampas sa target ang revenue collections o may dagdag na external financing. (ROSE NOVENARIO)