📷Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel
Bukas na tinatanggap ng Kabataan Partylist ang balitang tinanggal na si Ronald Cardema sa posisyon bilang Chairperson ng National Youth Commission (NYC). Ito ay matagal nang dapat ginawa batay sa taon-taong pagwawaldas ng pondo at mga maling prayoridad na tinutugunan ng komisyon sa ilalim ng pamumuno ni Cardema.
Matatandaan na noong 2019, 2021 and 2022 ay pinuna ng Commission on Audit kung paano kaduda-duda at di maayos na nagagamit ang milyon-milyong pondo ng NYC. May bahagi rin ng pondo ng Komisyon ginamit para sa aktibidad ng NTF-ELCAC, imbes na mapunta sa training ng mga SK official. Lubos na napag-iwanan ang mga SK officials sa pamumuno niya. Kahit pa may mga bagong halal na SK binigo muli ni Cardema ang tungkulin na ihanda sila sa pamumuno na. 18% lang ng SK training fund ang nagamit habang higit isang taon pa ang inabot para mailabas ang IRR ng R.A. 11768 o ang SK Compensation and Empowerment Law na sinulong ng Kabataan Partylist sa 18th Congress para bigyang honorarium ang mga SK officials kasama ang Secretary at Treasurer.
Huling-huli siya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng SK at ng kabataang Pilipino pero napakabilis sa pagredtag at pagtanggol ng interes at imahe ng nakaupong administrasyon. Maliit na nga ang pondo at kakaunti ang personnel ng NYC pero ginagamit pa ni Cardema ang ahensya para hubugin na mala-Nazi ang mga kabataan at gawing bulag na tagapagsunod ng estado, sa pamamagitan ng paniniktik at redtagging, sa halip na tugunan ang napakaraming problema ng kabataan mula sa edukasyon, trabaho, kalusugan at iba pa. Nagbanta pa siya dati na ipapatanggal ang scholarship ng mga estudyante na nagpapahayag ng mga lehitimong hinaing sa administrasyon. Naglabas pa siya ng pabuya para hikayatin ang publiko na magturo ng kabataan na diumano’y kaugnay ng NPA kahit walang batayan sa fake news program ng SMNI na pinapasara na rin ng Kongreso. Mismong mga kandidato sa 2023 Barangay at SK Elections ay hinayaan niyang i-profile ng PNP. Mulat niyang sinusuportahan ang mga patakaran na sinusulong ng kanyang amo sa Malacañang kahit magpapahamak ito sa kabataan tulad ng Mandatory ROTC.
Noon palang sinuka na siya ng kabataan sa tangka niyang pagtakbo bilang pekeng youth representative sa ilalim ng Duterte Youth. Kaya palaisipan sa kabataan kung paano siya napadpad sa NYC at nanatili sa ahensya nang higit apat na taon sa kabila ng kanyang kapabayaan at kapalpakan. Malinaw na natalaga lang siya sa pwesto dahil kinasangkapan siya ng idolo niyang si Rodrigo Duterte para patahimikin ang kabataan na bumabatikos sa administrasyon, at pinanatili ni Marcos Jr. sa parehong layunin. Lamang pa siya sa sistemang padrino sa politika ng Pilipinas dahil ninong niya mismo si Marcos Jr. sa kanyang kasal. Ginawa ni Cardema na training ground sa pagiging trapo ang NYC tungo sa kanilang pansariling ambisyon sa paparating na halalan 2025 at sa susunod pang panahon. Sintomas si Cardema ng bulok na sistema na pinapatakbo ng iilang naghaharing uri, at kailanman di dapat siya tularan ng kabataan. Pero ang mga tulad ni Cardema ay umuusbong dahil sa kumpas ng mga may kapangyarihan sa lipunan, laluna ng nasa pinakamataas na pusisyon sa gobyerno, si Duterte at kalaunan ay si Marcos Jr.
Inalis lang sa pwesto si Cardema ngayon dahil lantad na lantad na ang baho ng kanyang inutil na pamumuno na nakakapanira na sa interes ng mga Marcos na linisin ang kanilang pangalan at legasiya. Ngunit nangangamba tayo na bilang pakonsuelo ay baka italaga muli siya sa iba pang pusisyon kung saan siya patuloy na magpapalaganap ng atake at disimpormasyon sa mga kabataan. Dapat hindi na muling makabalik sa poder si Ronald Cardema.
Hinahamon ng Kabataan Party-list ang mga bagong talagang NYC Chairperson na sina Joseph Francisco Ortega at Commissioner-at-Large na si Karl Josef Legazpi na itakwil ang iniwang bulok na pamumuno at politika ni Cardema at sikaping gampanan ang tunay na mandato ng NYC. Dapat magpatupad ng mahusay at sistematiko na programa ng pagsasanay sa mga SK officials at ipatupad din nang tapat ang R.A. 11768 para masuportahan at matiyak ang awtonomiya ng mga SK sa buong bansa. Dapat tugunan ang problema sa di abot-kayang edukasyon at iba pang serbisyo, kawalan ng trabaho, iba pang suliranin sa komunidad, panggigipit sa kabataan at iba pa.
Sa kabila nito, kritikal tayo sa kasaysayan ng mga Marcos sa paggamit sa mga institusyon ng kabataan para sa sarili nilang interes. Noong batas militar pinasara ni Marcos Sr. ang mga konseho at publikasyon ng mga mag-aaral at binuo ang Kabataang Barangay upang impluwensiyahan ang kabataan at magsanay ng mga papalit sa burukrasya ng kanyang administrasyon. Babantayan natin kung paano kikilos ang susunod na liderato ng NYC. Hindi dapat magamit ang mga SK at iba pang lider-kabataan sa mga komunidad sa buong bansa para sa interes ng mga Marcos lalo sa nalalapit na halalan 2025. Ipaglalaban natin ang tunay na representasyon ng kabataan sa lahat ng antas.
Magpapatuloy ang Kabataan Party-list, katuwang ang mga SK officials, konseho ng mag-aaral, at iba’t ibang organisasyon ng kabataan, at malawak na hanay ng kabataang Pilipino sa pagsulong ng kapakanan at kagalingan ng kapwa kabataan at ng buong bayan, kaharapin man ang iba’t-ibang atake kahit ng ng mga nasa kapangyarihan. (PR)