NANANATILING buo ang lahat ng 14 regional command ng New People’s Army (NPA) taliwas sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Enero na ang NPA ay dumanas ng “estratehikong pagkatalo,” batay sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala nang mga aktibong Pulang gerilya na natitira sa bansa.
Ipinagmalaki ito ng Central Committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa isang kalatas kaugnay sa ika-55 anibersaryo sa pagkakatatag ng NPA ngayon.
Ibinasura ng CPP ang bagong deadline ng AFP na Hunyo 2024 bilang petsa ng pagkawasak ng lahat ng mga Pulang larangang gerilya at ang katapusan ng taong ito bilang pagkalipol ng buong NPA.
Iniulat ng Chinese outfit na XinhuaNet noong nakaraang Martes, Marso 26, ang pag-uulit ni National Security Adviser Eduardo Ano sa deklarasyon ng AFP sa estratehikong pagkatalo at kabuuang pagkalipol ng NPA sa pagtatapos ng taon.
Ngunit sa parehong araw,inihayag ng NPA sa lalawigan ng Quezon na tinambangan nila ang isang 30-kataong yunit ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Doña Aurora, bayan ng Calauag.
Tatlong tropa ng gobyerno ang nasugatan sa pag-atake, iniulat ni Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-NPA.
Noong Hunyo 2023 lamang ay idineklara ng administrasyong Marcos Jr. ang Quezon province bilang “insurgency-free” at isinailalim sa tinatawag na Stable Internal Peace and Security category.
Kaugnay nito’y “buong pusong tinanggap” ng NPA ang third rectification movement o ikatlong kilusang pagwawasto na inilunsad kamakailan ng CPP.
Kinompirma ng Central Committee ng CPP na lahat ng mga regional command ng hukbong gerilya ay positibong tumugon sa kilusang pagwawasto na inilunsad noong Disyembre 26 sa okasyon ng sariling ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido.
Sinabi ng Partido na ang NPA ay natigil ng konserbatismo ng militar nitong mga nakaraang taon na nagresulta sa mas kaunting mga taktikal na opensiba laban sa armadong pwersa ng gobyerno ng Maynila.
Kinilala rin ng CPP ang pagkawala ng mga beteranong kumander ng NPA sa nagpapatuloy na total war na nagsimula pagkatapos na wakasan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isang estratehiya na nagpapatuloy sa ilalim ni Marcos Jr.
Sinabi ng CPP na ang NPA ay nasa proseso ng pagwawasto sa konserbatismong militar nito at inatasan ang hukbong gerilya na maglunsad ng mga pag-atake para muling palakasin at ipagtanggol ang mamamayan mula sa malawakang paglabag sa karapatang pantao na bunga ng matinding operasyong militar ng gobyerno.
Paiigtingin din nila ang ideolohikal na aktibidad tulad ng pag-aaral ng mga sulating Marxist, Leninist at Maoist gayundin ng founding chairperson nitong si Sison. (ROSE NOVENARIO)