Sat. Oct 5th, 2024

📷San Pablo NHS Jaen | Facebook

 

NAMATAY umano sa hazing ang isang 18-anyos na estudyanteng lalaki sa Jaen, Nueva Ecija.

Sa ulat ng pulisya ay kinilala ang biktima na si Ren Joseph Bayan.

Nabatid na dakong alas-10:20 ng umaga ay nag-report ang tiyahin ng biktima kahapon sa Jaen Municipal Police Station na binawian ng buhay ang kanyang pamangkin sanhi umano ng hazing.

Nagpaalam umano sa kanya si Ren Joseph na isasailalim siya sa “final hazing” ng isang fraternity sa bayan ng San Leonardo.

Sinabi niya at iba pang mga testigo na dinala ng mga suspek ang bangkay ni Ren Joseph sa kanilang bahay sa Barangay San Pablo sa Jaen, Nueva Ecija dakong alas-singko ng hapon.

Hiniling ng Jaen police ang tulong ng SOCO upang isailalim sa autopsy ang mga labi ni Ren Joseph.

Sa isang paskil sa Facebook, nagpaabot ng pakikiramay ang San Pablo National High School sa pamilya ng kanilang estudyante.

“Lubos na ipinagdadalamhati ng komunidad ng San Pablo National High School ang pagpanaw ng isa sa ating mga mag-aaral na si REN JOSEPH BAYAN ng Grade 11-TVL.”

“Ipinaaabot ng SPNHS ang taos-pusong pakikiramay para sa kaniyang naiwang pamilya, gayundin ang marubdob na panalangin na makamit niya ang kapayapaan at kapahingahan kasama ang Poong Maykapal. (ZIA LUNA)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *