Pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Supreme Court Associate Justice Rodil V. Zalameda bilang susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Inanunsyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) acting Secretary Lino Cayetano nitong Huwebes.
Si Zalameda ang papalit kay Chief Justice Alexander Gesmundo, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 6.
Ayon kay Cayetano, mahigit tatlong dekada nang nagsisilbi si Zalameda sa sistema ng hustisya ng bansa.
Mula sa pagiging opisyal ng hukuman at piskal, hanggang sa kanyang panunungkulan sa Court of Appeals at kalaunan sa Korte Suprema, inilaan niya ang kanyang karera sa pagsusulong ng katarungan.
Sinabi rin ni Cayetano na sa pagpili kay Zalameda, kinilala ng Pangulo ang kahalagahan ng isang lider na may malawak na karanasan at matibay na prinsipyo upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa hudikatura.
Ipinahayag naman ni Marcos Jr. ang kanyang kompiyansa na magagampanan ni Zalameda ang tungkulin bilang Punong Mahistrado nang may integridad, pagiging patas, at matatag na paninindigan sa tuntunin ng batas.
“Binabati namin si Justice Zalameda sa kanyang pagkakapili at hangad namin ang kanyang tagumpay sa pagganap sa mahalagang tungkuling ito para sa sambayanang Pilipino,” ani Cayetano. # (ZIA LUNA)