Nagsumite ang Office of the Solicitor General (OSG) ng komento sa Korte Suprema na humihiling na ibasura ang petisyong kumukuwestiyon sa interpretasyon ng Senate Impeachment Court sa kinakailangang bilang ng boto sa mga kasong impeachment.
Sa pahayag ni Solicitor General Darlene Marie Berberabe, iginiit ng OSG na ang Konstitusyon ay nagbibigay sa Senado, bilang Impeachment Court, ng eksklusibong kapangyarihang litisin at pagpasiyahan ang mga impeachment case, kabilang ang paglalapat ng mga kaugnay na probisyon ng Saligang Batas sa mga usaping kinahaharap nito.
Binanggit ng OSG na ang usapin ay isang political question na hindi saklaw ng judicial review maliban kung may malinaw na grave abuse of discretion.
Ang petisyon ay kaugnay ng naunang pasya ng Senate Impeachment Court na ang pariralang “all Members of the Senate” ay tumutukoy lamang sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa mga pagdinig at botohan.
Hindi kabilang rito ang mga nakakulong, suspendido, may legal na restriksiyon, may kapansanang medikal o pisikal, o iba pang hindi makagaganap ng kanilang tungkulin.
Ayon sa OSG, walang naganap na grave abuse of discretion dahil dininig ng Impeachment Court ang magkabilang panig, kinonsidera ang opinyon ng apat na dating mahistrado bilang amici curiae, at nagpasya sa pamamagitan ng bukas at nakatalang botohan.
Inihain ng OSG ang komento noong Nobyembre 3 bilang pagsunod sa kautusan ng Korte Suprema na nagbibigay sa mga partido ng hindi na mapapalawig na limang araw upang magsumite ng kanilang tugon. # (RRN)