Kumpirmadong tuloy na ang musical remake ng pelikulang ‘Himala’ base sa latest post ni Direk Vince Tañada kung saan kasama niya si Maestro Ricky Lee at Piolo Pascual, at may caption na “Tara na shoot na. Lapit na! With the Iconic National Artist and the incomparable Papa P.”
Kamakailan lang din sa aming panayam kay Direk, nabanggit niya na matutuloy na nga daw ang isang big budgeted film na matagal na niyang gustong gawin at kahit hindi man niya direktang binanggit ang titulo ng pelikula, malakas ang kutob namin noon na ito na nga iyun.
Matatandaan na ang pelikulang HIMALA ay pinagbidahan ng ating National Artist/Superstar Nora Aunor, na idinirek naman ng National Artist Ishmael Bernal at isinulat ng multi-awarded writer and National Artist, Ricky Lee.
Sa totoo lang, isang malaking balita ito sa industriya ng pelikula, dahil mataas ang respeto at pagkilala sa HIMALA dahil sa napakarami nitong nakuhang tropeo mula sa iba’t ibang award giving bodies dito sa atin at maging sa labas ng bansa. Sabi nga, isang ambisyosong proyekto ang remake ng pelikulang ito na alam naming kayang-kaya nila Direk Vince at Maestro Ricky Lee, katuwang ang Philstager Films Production na gawin ito.
Paniguradong halong saya at excitement ang nararamdaman ngayon ni Direk Vince, matapos ang mahabang pagpaplano at paghihintay ay umoo na sa wakas si Papa P na gawin ang pelikula.
Ayon kay Direk Vince ang musical remake na ito ay bubuhusan ng malaking budget, katuwang ang isang bigating producer. Hindi daw dapat tipirin ang pelikula dahil sa malaking casting ang gusto niyang gawin, lalo na sa dami ng crowd na isasama sa mga eksena. Marahil gustong tapatan ni direk ang unang version ng HIMALA na gumamit ng malaking crowd sa eksena sa burol na may mga taong pilay, bulag at may sakit.
Last year pa lang ay nagkaroon na ng pre-production ang grupo ni Direk, nag-casting na sila ng mga posibleng artista para gumanap sa mga mahahalagang karater ng pelikula, at first choice niya si Piolo Pascual na maging isa sa lead role.
Mapalad ang produksyon dahil available si Piolo para gawin ang project, at aprub sa kaniya na ito ay isang musical film, marahil ay gusto niya muling gumawa ng isang proyekto na musical ang genre, and this time, isang pelikula naman. Matatandaan na ang first musical stage play ni Piolo ay ang “Ibarra” na humakot siya ng maraming papuri sa mahusay niyang pagganap sa karakter ni ‘Crisostomo Ibarra.’
Bukod kay Piolo, balak din ni Direk Vince na kunin si Nadine Lustre para role ni Elsa, subalit sa ngayon ay wala pang kumpirmasyon kung matutuloy ito.
Malaking katanungan ang lumulutang ngayon na kung may balak ba si Direk Vince na isali ito sa 50th Anniversary ng Metro Manila Film Festival kagaya ng original HIMALA na kasali noong 1982 MMFF official entries.
Malaki ang posibilidad tatabo ito sa takilya, bukod sa maganda ang imahe ng HIMALA, subok nadin ang power ni Papa P sa MMFF matapos kumita ang huli niyang entry na ‘Mallari,’ kaya paniguradong marami ulit ang nag e-expect sa entry niya sa MMFF 50th Anniversary.
Goodluck! sa buong production ng musical remake of HIMALA. (JOEY AUSTRIA)