TINULIGSA ni dating Bayan Muna Congressman Neri Colmenares ang kabiguan ng gobyerno na magbigay ng isang libong pisong social pension sa humigit-kumulang 600,000 eligible senior citizens, at tinawag itong paglabag sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act.
“The law is crystal clear – all Filipinos aged 60 and above are considered senior citizens. So they cannot be excluded from benefits mandated by law. Ang batas ay nagsasabi na pag 60 years old pataas ay senior citizens. So hindi pwedeng hindi sila kasama, ” pagdidiin ni Colmenares.
Inihayag ng beteranong human rights lawyer na maghahain ng resolusyon ang Bayan Muna para imbestigahan ang iregularidad na ito sa oras na makakuha ng pwesto sa Kongreso ang partido.
Binigyang-diin niya na dapat unahin ang kapakanan ng mga matatandang Pilipino kaysa sa mga kuwestiyonableng proyekto sa ilalim ng hindi nakaprogramang pondo o unprogrammed funds.
“Dapat i-prioritize ang elderly kesa mga kaduda-dudang proyekto sa unprogrammed funds. It is unconscionable that while billions are allocated to programs with dubious benefits, our senior citizens are denied their legally mandated pension,” sabi ni Colmenares.
Nanawagan siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Budget and Management (DBM) na agad na tugunan ang kakulangan sa pondo na nakakaapekto sa daan-daang libong mahihirap na nakatatanda.
” This is not just about following the law – this is about giving our elderly the dignity and support they deserve. We cannot allow bureaucratic excuses to deny them their rights,” pagtatapos ni Colmenares.(ROSE NOVENARIO)