Wed. Dec 4th, 2024

📷Katribu

 

“ANG mga militar ay kasabwat ng gobyerno at mga korporasyon sa pang-aagaw ng lupa ng mga katutubo upang bigyang-daan ang mga mapaminsalang proyekto tulad ng mga minahan at dam. Para sa estado, collateral damage lang kaming mga katutubo para sa kanilang layuning pang-ganansya,” sabi ni Funa-ay Claver, tagapagsalita ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas

Napag-alaman na sa bayan ng Bulalacao sa Oriental Mindoro lamang, maraming mga operasyong mina at proyektong pang-enerhiya ang nanghihimasok sa lupang ninuno ng mga Mangyan.

Kinasasangkutan anila  ito ng mga kumpanyang David M. Consunji Inc. (DMCI), Pitkin Petroleum Limited, CleanTech Global Renewables, at The Blue Circle.

Giit ng grupo, may pananagutan ang mga naturang kompanya sa patung-patong na mga krimen at paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado laban sa mga komunidad sa Mindoro.

“Magpapatuloy kaming mga katutubo na protektahan ang ating kalikasan, ipagtanggol ang ating mga karapatan sa lupa at sa sariling pagpapasya. Patuloy tayong maniningil ng hustisya, hindi lang para kay Jay-el Maligday, ngunit para sa lahat ng biktima ng pamamaslang ng estado. Ang hustisya para kay Jay-el Maligday ay hustisya para sa lahat ng katutubong pinaslang ng berdugong militar,” sabi ni Claver.

Kaugnay nito, sinampahan ng kaso sa Ombudsman ng naulilang pamilya ni Mangyan-Hanunuo youth leader Jay-el Maligday ang mga elemento ng 4th IB, 203rd IBde, at 2nd ID ng Philippine Army.

Nabatid na pinalabas ng militar na Pulang mandirigma si Maligday at napatay nila sa isang engkuwentro noong Abril 7, 2024 sa Bulalacao, Oriental Mindoro.

Sinabi ng Justice for Jay-El Maligday Network nilabag ng mga sundalo ang International Humanitarian Law sa pagpaslang kay Maligday, 21-anyos na lider-estudyante sa kursong Bachelor of Science in Education sa Grace Mission College, at myembro ng simbahan mula sa bayan ng Bulalacao.

“Hindi namin malilimutan kung paano binulabog ng militar ang aming tahanan at sapilitan kaming inutusan lumabas ng bahay. Ilang sandali pa ay narinig na namin ang mga putok ng baril kahit nasa loob pa ng bahay ang kapatid namin,” ani Louiejie Maligday, kapatid ng biktima.

Tambak na ang mga paglabag sa karapatang pantao bunga ng matinding militarisasyon sa Mindoro, ayon sa Network.

Isa lamang anila ang pagpatay kay Maligday sa malalang krimen ng militar sa Mindoro, gaya ng mga insidente ng pagpaslang, aerial bombing, pag-aresto at pagdukot na nagdudulot ng labis-labis na takot at trauma sa mga pamayanan.

Kasabay ng paghahain ng reklamo sa Ombudsman ay isinagawa ang isang kilos-protetsa na dinaluhan din ng mga kasapi ng Katribu. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *