Tue. Apr 8th, 2025 1:29:28 PM

📷 AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr.

 

BINUWAG ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Romeo Brawner Jr. ang Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).

Nabatid sa ulat ng Manila Times na nilusaw ang VPSPG alinsunod sa General Order 196 matapos ilang miyembro nito’y sinibak nang madawit sa paglipat kay Office of Vice President chief of staff Zuleika Lopez habang nasa kustodiya ng Mababang Kapulungan noong nakaraang taon.

Nauna rito’y pinalitan ang 75 opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa VPSPG na nakatalaga kay Vice President Sara Duterte makaraang isiwalat niya sa isang online press conference na may inutusan siyang assassin para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez kapag may nangyaring masama sa kanya.

Ang kautusan ay inihanda umano ni AFP deputy chief of staff Lt. Gen. Jimmy Larida at nilagdaan ni Adjutant Gen. Bernardo Fortez Jr., at epektibo ang pagbuwag sa VPSPG noong Pebrero 6.

Kasabay nito’y ang pag-reorganisa sa special detail battalion sa ilalim ng AFP General Headquarters and Headquarters Service Command ay pinalitan ang pangalan at tinawag bilang AFP Security and Protection Group (ASPG).

Ang ASPG, batay sa kautusan ay magbibigay ng seguridad hindi lamang sa bise presidente kundi maging  sa ilang very important persons  (VIP) na may basbas ng Department of National Defense (DND).

Binubuo ang ASPG ng 18 opisyal at 329 enlisted personnel, at pamumunuan ng isang commander na may ranggong colonel o captain sa Philippine Navy. (ZIA LUNA)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *