
ITINANGGI ng Malacañang ang mga pahayag na tumataas ang kagutuman sa Pilipinas dahil iginiit nito na ang datos ng gobyerno ay nagpapatunay na gumagana ang mga food assistance program ng pamahalaan.
Sa ginanap na Palace press briefing noong Lunes, Marso 31, isinantabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang survey ng SWS, na nagpapakitang 27.2 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas ng hindi sinasadyang pagkagutom sa unang quarter ng taon.
Nabatid sa resulta ng SWS survey,ang bilang ng mga pamilyang walang makain kahit isang beses ay tumaas ng 6.0 puntos mula noong Pebrero 2025 na 21.2%, ang pinakamataas na naitala na antas mula sa pinakamataas na 30.7% noong Setyembre 2020.
Bagama’t kinikilala ng gobyerno ang survey, sinabi ni Castro na kailangan ang karagdagang validation ng SWS survey dahil umaasa lamang ang gobyerno sa ulat ng DSWD sa gutom sa Pilipinas.
“Actually, aaralin po iyan dahil po sa bagong report po ng DSWD, marami na po kasing programa na talaga pong pantawid-gutom,” sabi ni Castro.
“Unahin ko po ang programa ng DSWD na nagsisilbi sa 300,000 food-poor households na may equivalent po na 1.5 million individuals – across the country po ito. Sila po ay binibigyan ng 3,000 pesos monthly as food aid.”
Binigyang-diin ni Castro ang ilang mga hakbangin ng DSWD na naglalayong tugunan ang kawalan ng pagkain, kabilang ang “Walang Gutom Kitchen” sa Pasay City, na nagbibigay ng libreng mainit na pagkain sa mga pamilya, lalo na sa mga bata at street dwellers.
“Maliban pa po diyan ay mayroon po ang DSWD na programa ito sa iyong ‘Walang Gutom Project Kusinero Cook-off Challenge’ para po ma-improve iyong public nutrition,” dagdag niya.
“At mayroon din po ang Walang Gutom Project that provides eligible families with electronic benefit transfer po – ito pong 3,000-peso monthly food credits.”
Sinabi ng Malacañang na ang mga programa ng interbensyon ng gobyerno ay aktibong tumutugon sa isyu at patuloy itong gagawin.
“So, aaralin po natin kung saan nanggagaling itong mga sinasabi na nagugutom pa ang ibang mga kababayan natin at para malaman natin kung saang lugar ito at mayroon man pagkukulang ay maibsan po natin ang ganitong klaseng mga sitwasyon po,” ani Castro. (ZIA LUNA)