MAY umiiral na bang de facto martial law sa bansa?
Lumutang ang tanong na ito bunsod ng impormasyon na ‘banned’ umano sa Palasyo ang pangulo ng Malacañang Press Corps (MPC) na si Chona Yu.
Ang MPC ay isang organisasyon ng local journalists na accredited ng gobyerno upang mag-cover ng presidential at Malacañang events.
Nabatid sa source ng Balitang Klik na si Yu ay dating reporter ng People’s Journal na nakatalaga sa Malacanang ngunit nagbitiw umano siya sa pahayagan at lumipat sa DZME radio station.
Ang DZME at People’s Journal ay kabilang sa mga mainstream media entity na accredited ng Office of the Press Secretary, na ngayo’y Presidential Communications Office (PCO).
Napag-alaman na nagsumite umano ng bagong letter of assignment si Yu bilang reporter ng DZME sa PCO ngunit ang sagot ng kagawaran ay idinadaan pa ito sa ‘review’ kaya’t habang wala pang desisyon ang kagawaran ay pinagbawalan siyang pumunta sa Palasyo para mag-cover o gampanan ang kanyang tungkulin bilang Malacanang beat reporter.
Hindi naman dating nagiging isyu ang paglipat ng media entity ng isang MPC member basta ang media company ay accredited ng Malacanang.
Humihingi umano ng paliwanag ang mga opisyal ng MPC sa PCO hinggil sa kanilang aksyon kay Yu at isang meeting kay PCO Secretary Jay Ruiz ang kanilang hiling ngunit hanggang sa isinusulat ang balitang ito’y wala pa silang nakuhang iskedyul sa kalihim.
Si Yu ay siyam na taon nang nakatalaga sa Malacanang.
Mula nang maupo ang administrasyong Marcos Jr. sa Palasyon noong 2022 ay pangalawa na si Yu sa mamamahayag na tinanggihan ng PCO ang letter of assignment sa hindi malinaw na dahilan at walang inilatag na guidelines bilang batayan.
Noong Agosto 2022 ay tinanggihan ni noo’y PCO Secretary Trixie Angeles ang renewal ng letter of assignment ng reporter ng Hataw na si Rose Novenario sa akusasyon na “conduct unbecoming” ngunit walang naipakitang ebidensya si Angeles para patunayan ang kanyang bintang.
Ilang media organizations, cause-oriented groups at broadcast employees unions ang naglabas ng statement of support para kay Novenario at kinuwestiyon ang batayan ng pag-banned sa kanya ni Angeles.
Hanggang sa mawala si Angeles sa puwesto at ilang PCO secretary na ang naupo, hindi naglabas ng sagot ang kagawaran sa usapin.
“Ang bukambibig ng PCO ay labanan ang fake news ngunit ang kagawaran mismo, sa ilalim ng pamumuno ni Ruiz, ay ilang beses nang naglabas ng maling balita. Una ay ang relokasyon ng operasyon ng US-based Amkor Technology sa Pilipinas mula sa China. Pangalawa ay ang gagawin ni Marcos Jr. ang lahat upang himukin ang mga bansang Tonga, Bhutan at Nepal na lumagda sa Comprehensive Nuclear-Test-Ban Treaty, na nagbabawal sa lahat ng nuclear weapon test explosions kasama ang sanctions laban sa mga bansa na lalabag sa mga nakasaad dito. Parehong binawi ng PCO ang naturang mga press release,” anang source.
“Ang pinakamalupit ay ang binitawang pahayag ni Ruiz sa House TriComm probe on fake news na “we lost Sabah” kahit hindi pa isinusuko ng Pilipinas ang pag-angkin sa Sabah. Hindi binawi ni Ruiz ang kanyang maling sinabi,” dagdag ng source. (ZIA LUNA)