MULING nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pinoy na maging maingat at huwag mahulog sa mga pangako ng sindikato para mapadali ang kanilang pagpunta sa ibang bansa para magtabaho.
Ginawa ni DMW Undersecretary Bernard Olalia ang panawagan kasunod ng pagdating ng 30 Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 na pawang mga biktima ng human trafficking na nailigtas ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan katuwang ang Myanmar authorities.
Ayon kay Olalia, ang mga biktimang Pinoy ay pinagtatrabaho ng isang sindikato sa isang scam hub sa Myanmar.
Sa panayam sa isa sa mga biktima, mahirap ang kanilang pinagdadaanan dahil pinangakuan sila ng mataas na sahod subalit pagdating roon ay hindi naman natupad.
Isinalaysay ng biktima na sa sandaling hindi nila naabot ang itinakdang quota ay ibibilad sila sa arawan, wala rin silang morning break at pinagtatrabaho sila ng 17 oras kada araw.
Inamin pa ng biktima na sila umano ay pinagpapanggap na mga rich guys o rich women para manghikayat sa kanilang mabibiktima na mag invest sa pamamagitan ng kanilang platform.
Kaugnay nito ay kinompirma ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na may 176 Pilipino pa na mga biktima ng human trafficking ang nakatakdang ibalik sa bansa sa mga susunod na araw. (NINO ACLAN)