NANGHIHINGI ng saklolo si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kay US President Donald Trump upang parusahan ang mga tumulong sa pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at isinuko siya sa International Criminal Court (ICC) para harapin ang kasong crimes against humanity of murder.
Ikinatuwiran ni Bato,may nilagdaang executive order si Trump na sumasaklaw sa mga dayuhang nakipagtulungan sa ICC para hulihin ang isang “protected person.”
Target ni Dela Rosa na mapatawan ng parusa ang may-ari ng pribadong eroplanong ginamit para dalhin si Duterte sa The Netherlands.
“Sigurado ako kung may-ari ka ng eroplano, mayroon kang ari-arian sa Amerika, kaya prepare for the repercussions of your actions, dahil very clear ‘yan sa executive order na in-issue ni President Trump,” sabi ni Dela Rosa.
Bukambibig ng senador ang salitang soberanya mula maaresto si Duterte, kesyo isinuko na ng administrasyong Marcos Jr. ang soberanya sa mga dayuhan nang dalhin sa ICC ang dating pangulo.
Nasampolan ng Interpol at PNP si Duterte at maaaring anomang araw ay ilabas na rin ng ICC ang arrest warrant laban kay Dela Rosa bilang co-perpetrator sa crimes against humanity of murder, nagpapasaklolo na ngayon ang senador kay Trump, na isang dayuhang lider.
Si Dela Rosa bilang hepe ng Phil. National Police mula 2016-2018 ang nagpatupad ng madugong drug war ng administrasyong Duterte at binatikos maging ng international community dahil sa extrajudicial killings (EJK).
Tulad ng dati niyang boss na si Duterte, ginagawang pamato ni Dela Rosa ang soberanya ng Pilipinas sa Amerika para sa sariling kapakinabangan.
Noong Enero 2020,iniutos ni Duterte ang pagbasura sa Visiting Force Agreement (VFA) matapos kanselahin ng US ang visa ni Dela Rosa.
Itinuring ni Duterte na paglabag sa soberanya ng bansa ang nasabing hakbang ng US laban kay Dela Rosa pati ang resolution na ipinasa ng ilang US senators na nagbabawal na makapasok sa Amerika ang mga opisyal ng Philippine government na nasa likod nang pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.
Dahil rito’y pinagbawalan din ni Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete na magpunta sa Amerika.
Ngunit makalipas ang ilang buwan, binawi ni Duterte ang banta sa US matapos ibalik ang US visa ni Dela Rosa.
Naging libangan ni Duterte ang batikusin ang US noong nakaluklok siya sa Palasyo, sa palagay ba ni Dela Rosa ay papansinin siya ni Trump ngayong wala na sa puwesto at detenido pa?
Kung talagang matapang ang senador, bakit hindi siya ang personal na maghatid sa US ng resulta ng imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations sa pag-aresto kay Duterte?
Kapag ginawa ito ni Dela Rosa ay malalaman niya kung magiging kakosa niya si dating police Col. Royina Garma na ikinulong matapos magtangkang pumasok sa Amerika noong Nobyembre 2024.
Hindi akalain ni Garma na kinansela ni Uncle Sam ang kanyang US visa dahil akusado siya sa paglabag sa Global Magnitsky Human Rights Accountability Act, isang batas na ipinasa ng US noong 2016, na nagpaparusa sa mga taong sabit sa human rights violations at korapsyon sa lahat ng panig ng mundo.