Sat. Apr 5th, 2025

Dalawang linggo na mula arestohin at isuko sa kustodiya ng International Criminal Court si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte pero lalong tumindi ang propaganda war ng magkalabang kampo ng Marcos at Duterte at may mga “alyansa” rin na nabiyak dulot ng isyu.

Kahit hindi aminin ng Palasyo, marami ang nakapuna na unti-unting “kumakalas” na sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas ang tatlong senatorial bets mula sa Nacionalista Party na sina Cong. Camille Villar, Sens. Pia Cayetano at Imee Marcos matapos magdeklara ng kanyang simpatya ang bossing nila sa NP na si dating Sen. Manny Villar kay Duterte.

Sa kanilang tatlo, naging garapal ang pagkontra ni Sen. Imee sa pakikipagtulungan ng Marcos Jr. admin sa Interpol para maihatid sa The Hague si Digong, sukdulang magdaos siya ng Senate inquiry sa usapin habang naka-recess ang session.

Ngunit ilang political observers ang nakapansin na ang mga pahayag ng mga opisyal ng administrasyong Marcos Jr. sa Senate probe ay maaaring magamit ng ICC, lalo na ang pag-amin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dispalinghado ang justice system sa Pilipinas kaya napilitan ang mga pamilya ng biktima ng drug war na maghain ng reklamo sa ICC laban kay Duterte.

Kaya sakaling “drama” lang ni Sen. Imee ang Senate inquiry para makahakot ng boto mula sa Duterte followers, maaaring sumemplang ito at pumabor pa sa pamahalaang Marcos Jr.

Habang may mga nagdududa na posibleng makahamig ng “dagdag na pakinabang” ang mga Villar kapag nanahimik na sa isyu.

Batikan na sa laro ng politika si ex-Sen. Manny at may record na rin siya na ilang beses na tumambling sa mga sinalihang political alliance.

Sa panig naman ng pamilya Cayetano, tila tuliro si Sen. Alan Peter Cayetano, running mate ni Duterte noong 2016 elections,  nang humarap sa pagdinig ni Sen. Imee, at ipinakilala ang sarili na “ambassador of the Lord” na parang ka-tono ni detained KOJC founder Apollo Quiboloy.

Ginawa ito Sen. Alan, ilang araw matapos ibisto ni dating Sen. Leila de Lima na sinabihan siya noon ng senador na dapat ay magpasalamat pa sila kay Digong dahil ginawa ang Pilipinas na parang Singapore, pinatay ang lahat ng mga kriminal at addict.

Naniniwala si De Lima na dapat ay kasuhan at ikulong rin sa ICC si Sen. Alan.

NAHATI ANG ‘MACHO BLOC’

Marami ang tumaas ang kilay nang ipaskil ni dating Sen. Gringo Honasan ang larawan nila ni Davao City Mayor Baste Duterte bilang pagpapakita ng buong suporta sa pamilya ng detenidong dating pangulo.

Kung tutuusin ay hindi nakapagtataka ito lalo na’t may ulat na ang humahawak ng campaign propaganda ni Honasan ay mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipinagmalaki ng putschist na malalim ang pagkakaibigan nila ng dating pangulo.

Tulad ni Duterte, wala rin ‘remorse’ si Honasan sa mga naging kasalanan sa bayan.

Hindi makakalimutan ng mga residente ng Loreto St. Sampaloc, Manila kung paano niratrat ng mga tauhan ni Honasan ang mga kapitbahay nila na sumigaw lamang ng “Cory, Cory” habang naka-L sign sa mga sundalong sakay ng mga tangke patungo sa Malacanang na hindi nila alam ay bahagi na pala ng kudeta.

Sina Honasan, at dating Sens. Tito Sotto at Ping Lacson ay pawang mula sa “Macho Bloc” ng Senado ngunit sa kasalukuyan ay nasa magkabilang bakuran na.

Si Honasan ay nagdeklara na bilang pro-Duterte habang sina Sotto at Lacson ay bahagi ng senatorial slate ng administrasyong Marcos Jr.

May mga alternatibong matitinong kandidato, mga walang bahid ng korapsyon na puwedeng iluklok sa Senado imbes ang mga politikong subok na sa panggogoyo sa bayan.

Subukan naman sana ng mga botante ang mga tunay na tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga mamamayan at hindi mula sa angkan ng mga political dynasty at mula sa malalaking negosyo o tagapagtaguyod nito.

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *