Tue. Apr 8th, 2025

📷 Misamis Oriental Gov. Peter Unabia | PIA

 

UMANI ng batikos ang bastos na pahayag ni reelectionist Misamis Oriental Gov. Peter Unabia laban sa kababaihan nang sabihin niyang  para lang sa “magagandang babae” ang propesyon na nursing dahil lalala lamang ang sakit ng mga lalaki kapag nakaharap sa pangit na nurse.

Nag-viral ang video nang ipagmalaki ni Unabia sa isang campaign rally noong Abril 3 ang kanilang provincial nursing scholarship program.,

“Kining nursing, para ra ni sa mga babaye, dili pwede ang lalaki. At, kato pa gyud mga babaye nga gwapa (Itong nursing, para lang ito sa mga babae, hindi pwede ang lalaki. At, at saka yung talagang mga babaeng magaganda),” ani Unabia.

“Dili man pwede ang maot, kay kung luya na ang mga lalaki, atubangon sa pangit nga nurse, naunsa naman, mosamot atong sakit ana (Hindi pwede ang pangit, kay kung nanghihina ang mga lalaki, nakaharap sa pangit na nurse, e ano, lalong lalala ang sakit niyan),” saad pa niya.

Kinondena ng Gabriela Partylist ang mga komento ng gobernador bilang sexist, discriminatory, at direktang pambabastos sa mga nars at kababaihan.

Binigyang-diin ni Gabriela Rep. at Koalisyong Makabayan Arlene Brosas na ang mga kwalipikasyon sa pag-aalaga ay dapat tumuon sa mga kasanayan at pagmamalasakit sa pasyente kaysa sa hitsura.

“This is a gross display of misogyny and discrimination. Ito ay tahasang pambabastos, hindi lang sa mga nars, kundi sa buong hanay ng kababaihan,” giit ni Brosas.

Nanawagan ang organisasyon sa mga botante na tanggihan ang mga ganitong misogynistic na saloobin at suportahan ang mga frontline na manggagawa na tunay na sumasaklaw sa serbisyo publiko.

Kaugnay nito, nanawagan ang isang Muslim group na iboykot ang Sr. Pedro Lechon Manok (pagmamay-ari ni Unabia), ideklarang persona non grata sa mga bayan na mayoryang populasyon ang gobernador at ideklarang haram ang pagboto sa kanya sa May 2025 elections.

Ito ang nakasaad sa open letter ng One Bangsamoro Movement (1BANGSA) Inc. na pinamumunuan ni Maulana “Alan” Balangi kasunod ng “hate speech” ni Unabia na nagbabala sa mga botante laban sa pagsuporta sa mga lokal na kandidato na konektado sa Marawi City at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa kaugnayan sa kriminalidad at karahasan.

Ayon sa 1BANGSA, direktang pag-atake ito sa dignidad ng Muslim Filipinos na matagal nang ipinaglababan ang kanilang lupang sinilangan—mula sa mga sakripisyo ng mga bayaning tulad Sultan Kudarat hanggang sa pakikibaka ng mga komunidad ng Bangsamoro.

“These remarks not only belittle the valor of our ancestors but also sow division in a nation still healing from decades of conflict,”  sabi ni Balangi.

“By normalizing hate and emboldening discrimination, your comments undermine decades of peace-building efforts, including the Bangsamoro Organic Law, and further marginalize Muslim families, students, and professionals,” dagdag niya.

Tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia na maglalabas ng show cause order kay Unabia bunsod ng kanyang sexist remark sa mga nars: “Iyan po ay maaaring bukas ay magawa natin ‘yung show cause order na maise-send po sa kanya hanggang Martes.”
“Asahan niyo may aksyon din ang Comelec sapagkat again, kung ang pag-uusapan ay sexism o ‘yung mismong pagdi-discriminate sa kababaihan, kung hindi naman dahil sa relihiyon, ‘yan din po ay pinoprotektahan ng atin pong guidelines at resolusyon,” sabi ni Garcia. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *