Tue. Apr 1st, 2025 2:03:18 AM

ISINIWALAT ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega ang bagong grupo ng mga pekeng pangalan na sangkot sa umano’y winaldas na P500-M confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa Office of the Vice President (OVP).

Tinawag na “Team Grocery” ang listahan na kinabibilangan ng Pampano, Harina, Casim, Bacon, at Patty Ting, mga pangkaraniwang pangalan ng mga pagkain , gaya ng tinaguriang “Budol Gang.”

“Mukhang listahan po ng mga bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin,” ani Ortega.

Nauna rito’y nabulgar rin ang mga kakaibang pangalan gaya ng Team Amoy Asim, Dodong Gang, at mga taong kapangalan ng mga chichirya, prutas, at gadgets.

Ayon kay Ortega, isinumite ng OVP ang mga nasabing pangalan sa Commission on Audit (COA), na lalo nagpalakas ng duda na malawakan ang pagdispalko ng pondo.

Wala aniyang record na may official birth, marriage, o death records ang mga ito sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“Kung hindi sila totoong tao, nasaan napunta ang pondo?” tanong ni Ortega.

Inaasahang bubusisiin ang bawat kusing ng confidential funds ng OVP at Department of Education sa pagsalang sa impeachment trial ni VP Sara. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *