“Ang tanging dapat ipagdiwang ngayon ay ang pagkakakulong ni Duterte. Kailanman ay hindi ituturing na isang pagpapala ang kanyang buhay para sa mga Moro at Katutubong Mamamayan na pinagkaitan ng karapatang mamuhay nang payapa sa ilalim ng kanyang panunungkulan,” pahayag ni Amirah Mek Lidasan, lider Moro at senatorial candidate ng Makabayan sa ika-80 kaarawan ni detenidong dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Binigyang-diin ni Lidasan ang matinding pagkakaiba sa pagitan ng kasalukuyang due process na tinatamasa ni Duterte at ng libu-libong buhay na nawala sa ilalim ng kanyang administrasyon. “Mapalad siyang dumaan sa due process—isang bagay na ipinagkait niya sa libu-libong pinatay, iligal na ikinulong, at dinukot. Marami sa kanila ay inosente, at ang tanging ‘kasalanan’ lamang ay ang pagtatanggol sa karapatang pantao o ang pagiging bahagi ng mga inaaping sektor.”
Sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte, ang mga Moro at Katutubong Mamamayan ang isa sa pinakamatinding nakaranas ng karahasan ng estado. Binomba at sinunog ang kanilang mga komunidad, at walang-awang pinaslang ang mga aktibista. Isa sa mga naging biktima ay si Mariam Acob, isang paralegal officer ng Kawagib Moro Human Rights, na pinaslang ng mga sundalo sa Maguindanao noong ipinatupad ang Batas Militar sa Mindanao.
“Nagluluksa ang pamilya ni Duterte sa kanyang kawalan ng kakayahang makabalik sa Pilipinas. Ngunit gaano pa kaya kalala ang dinanas ng mga Moro at Katutubong Mamamayan na pinilit niyang paalisin sa kanilang mga lupain dahil sa militarisasyon? Hanggang ngayon, marami sa mga taga-Marawi ang hindi pa rin nakakabalik sa kanilang mga tahanan at maging sa pansamantalang tirahan ay pinaaalis sila,” iginiit ni Lidasan.
Hanggang ngayon, patuloy na pinapasan ng mga pamilyang sapilitang pinaalis ang bigat ng mga polisiyang ipinatupad ni Duterte. Binigyang-diin ni Lidasan na ang pagwasak sa Marawi at ang pagpapatupad ng Batas Militar sa Mindanao ay hindi simpleng usapin ng kompensasyon kundi ng malawakang inhustisya—isang anyo ng paglabag sa karapatang pantao at sistematikong pagwasak sa buong komunidad.
Mariing kinondena ni Lidasan ang War on Terror ni Duterte, partikular sa Marawi. Ang limang buwang pananalakay noong 2017 ay nagdulot ng sapilitang pagpapalayas sa mahigit 350,000 indibidwal, pagkawasak ng sentrong pangkalakalan ng lungsod, at malawakang paglabag sa karapatang pantao—kabilang ang tortyur, iligal na pag-aresto, at pagpaslang sa mga sibilyan, kabilang ang mga bata.
“Ang kalupitan ni Duterte ay patuloy na nararamdaman kahit tapos na ang kanyang administrasyon dahil sa mga batas at patakarang iniwan niya na ipinagpapatuloy ni Marcos. Dapat ipawalang-bisa ang mga batas na ito, at dapat ding papanagutin si Marcos Jr. sa lalo pang pagpapalala ng kriminalisasyon sa pakikibaka ng mga Moro at Katutubong Mamamayan,” giit ni Lidasan. Tinukoy niya ang Anti-Terrorism Act (2020), ang paglikha ng NTF-ELCAC sa bisa ng EO 70 (2018), at iba pang kontra-insurhensyang programa na ginamit upang patayin, dukutin, at sampahan ng gawa-gawang kaso ang mga lider Moro at Katutubo, pati na rin ang mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang panlipunan.
Nanawagan si Lidasan sa administrasyong Marcos Jr. na gumawa ng konkretong hakbang upang tiyakin ang hustisya—kabilang ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Duterte sa loob ng bansa, muling pagsali sa International Criminal Court (ICC), at pakikipagtulungan sa imbestigasyon nito. “Hinahamon namin ang administrasyong Marcos Jr. na ipakita ang paninindigan kasama ng sambayanang Pilipino sa pagpapakulong kay Duterte para sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan.”
Tinapos niya ang pahayag sa pagbibigay-pugay sa tagumpay ng mamamayan sa pagpapanagot kay Duterte. “Ang ating tagumpay sa pagpapakulong kay Duterte ay bunga ng ating walang kapagurang pagkilos para sa hustisya. Dapat nating palakasin ang ating pagkakaisa upang papanagutin hindi lamang si Duterte kundi lahat ng pwersa ng estado na may pananagutan sa paglabag sa karapatang pantao ng mga Moro at Katutubong Mamamayan.” #