Buhay na bayani ang tawag sa mga manggagawang pangkalusugan ngunit sila’y nakararanas ng matinding kapabayaan ng pamahalaan.
Bakit kailangan sa Senado ang isang tulad ni Koalisyong Makabayan senatorial candidate Nars Alyn Andamo?
Apat na dekadang karanasan bilang nurse sa komunidad ang maipagmamalaking track record ni Nars Alyn, suot ang T-shirt, pantalon at tsinelas imbes puting uniporme.
Hindi kasi biro ang umakyat sa bundok, tumawid sa rumaragasang ilog , mahulog sa kalabaw, at pilapil para lamang makarating sa mga pasyenteng maralita sa liblib na sulok ng bansa.
Ayon sa isang survey noong 2019, anim sa sampung Pilipino ang namamatay nang hindi nagpapatingin sa doktor.
Ang mataas na presyo ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa ay humahadlang sa mga tao na ma-access ang mga serbisyong nagliligtas-buhay, at mas lalo pang naglulubog sa mga pamilya sa kahirapan.
Batid natin ang kabiguan ng pamahalaan sa pagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan bilang karapatan ng mamamayan gayundin ang pagta-taingang kawali sa pagbibigay ng nakabubuhay na sahod at dagdag na benepisyo para sa mga manggagawang pangkalusugan.
Sa bitbit na plataporma ni Nars Alyn ay magkakaroon ng alternatibo ang mga mamamayan sa umiiral na kalakaran na ang serbisyo ay ginagawang negosyo.
Kabilang sa mga nais ipasang batas ni Nars Alyn:
Ipaglaban ang libreng gamot at pagpapagamot sa lahat ng pampublikong pagamutan hanggang sa mga baryo.
Pababain ang presyo ng pagkain at mga batayang bilihin para sa malusog na pangangatawan at maunlad na kabuhayan.
Itaas ang sahod ng mga manggagawang pangkalusugan sa pampubliko at pampribadong sektor: ₱50,000 ang entry salary ng mga nurses at allied health professionals; ₱33,000 sa lahat ng health workers.
Panawagan niya ay samahan siyang lunasan ang sistemang pangkalusugan ng bayan.
Labanan ang lumang pulitika na matagal nang nagpapahirap sa atin at sa ating kalusugan.
Wakasan ang kahirapan at kagutumang dahilan ng ating pagkakasakit. (ROSE NOVENARIO)