Bistado ng mga Pinoy na maraming politiko ang ginagawa ang lahat upang magkaroon ng puwesto sa gobyerno para bigyan proyeksyon ang kanilang mga negosyo.
Isang malinaw na halimbawa ay ang Villar political dynasty na ilang dekadang namamayagpag sa Kongreso, Mababang Kapulungan at Senado, ang mag-asawang Manny at Cynthia, pati ang mga anak nilang sina Mark at Camille.
Anim na taon rin naging kalihim ng Department of Public Works and Highways, ang ‘ika nga’y “juiciest cabinet portfolio,” sa administrasyong Duterte ang ngayo’y senador na si Mark.
Pero habang papalapit ang May 2025 midterm elections, hindi lang puna kundi mura ang ipinupukol ng masa sa pamilya Villar.
Maliban sa ilang beses na ipinakitang kagaspangan ng ugali ni Sen. Cynthia na nag-viral sa social media nitong nakaraang mga buwan, pulutan din ng netizens sa kasalukuyan ang dagsang reklamo ng mga kliyente sa iba’t ibang parte ng bansa ng Prime Water ng mga Villar.
Bulok na serbisyo ng Prime Water, tutuldok sa Villar political dynasty
Ilang political observers ang nakikita ang pagbagsak ng Villar political dynasty dulot ng palpak na serbisyo ng Primewater.
Sa halip na ayusin at pagbutihin ng Prime Water ang serbisyo nito sa mga consumer, alinsunod sa pinasok na joint venture agreement sa ilang water district , mas ginusto pa ng mga Villar na makisimpatya sa pamilya Duterte at atupagin ang pakikipag-alyansa kay Vice President Sara Duterte para isulong ang kandidatura ni “ex-future Sen. Camille.”
Hindi na kinagat ng mga Pinoy ang pa-cute ni “ex-future Sen. Camille” at VP Sara kahit pa katabi nila si ex-Sen. Manny.
Ang dating mataray na si Sen . Cynthia na nagbabalak na maging kongresista ng Las Pinas, tikom ang bibig sa kapalpakan ng Prime Water na pinamamahalaan ng kanyang anak na si Manuel Paolo.
Tila mas pinagtutuunan ng pansin ni Sen. Cynthia ang “guluhin” ang politika sa Las Pinas at pagsabungin ang kanyang mga kadugo sa lungsod na posibleng sumabog sa kanyang mukha sa araw ng halalan
Alam ng malalapit kay Sen. Cynthia na kinamumuhian niya ang matalo ang kanyang pamilya sa halalan.
Tatlong linggo na lang ay eleksyon na at kung inaaakala niya na laging uubra ang mga bayad na survey, pagsakay sa isyu ng mga Duterte, purgahin ang mga botante sa paid advertisement sa mga dyaryo, telebisyon, radio at social media, naglalakihang billboards at posters na nagtataglay ng kanilang mga mukha at pangalan, at pagbuhos ng pondo sa mga kaalyadong kandidato sa lokal na pamahalaan, baka mabigo siya.
Sana ay mabasa niya ang ilan sa tunay na sentimyento ng netizens tungkol sa kanilang pamilya at Prime Water na tinatawag ng “Crime Water”:
“don’t let @_camillevillar win. dapat masayang yung billion na ginastos niya sa campaign.
hold their family accountable sa palpak na primewater”
“Kung gusto mong makaganti sa Primewater, wag mong iboto si Camille Villar.”
“Eto namang si Camille Villar: Aayusin daw ang buhay ng mga Pilipino. Teh, ayusin mo muna PrimeWater. Kaloka.”
“Hanggang kelan magbubulag-bulagan ang karamihan sa totoong nangyayari dito sa SJDM. Pinapaasa lang tayo sa wala. Dati naniniwala pa ko na ginagawan ng solusyon ang problema sa PrimeWater, pero ngayon lalo at kapartido pa nila si Camille Villar mukhang imposible na. Bago namin ang iboto baka sakaling may mabago”
“Umamin kayo PrimeWater Silang, kaya ba ayaw nyong aksyunan ang matinong pag papatubig kasi gagamitin ni Camille Villar ang pondo para sa pangangampanya?! Asa kayo na makakakuha ng boto yang si Camille Villar sa mga customers nyo! To all Prime Water customers: NO TO CAMILLE VILLAR tayo ha!”
“Pakiaksyunan niyo nmn po problem sa tubig dito sa Tarlac. Antagal po umaksyon sa TCWD PrimeWater Tarlac City. Pahirap tapos wala man lang kahit anong solusyon. Mahigit isang linggo na kaming walang tubig sa San Vicente Ramos Street.”