Sat. Aug 8th, 2026

TILA mga bubuyog na giniba ang bahay-pukyutan ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula mabilanggo siya sa Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands sa kasong crimes against humanity kaugnay sa ipinatupad niyang madugong drug war.

Nawala ang kanilang access sa timon na detenido kaya gumegewang ang direksyon ng kampanya ng PDP-Laban na may sampung kandidato sa senatorial slate.

Si Sen. Bong Go ay inirereklamo umano ng ilan niyang kapartido dahil mistulang sumosolo sa pangangampanya at madalas si Willie Revillame, isang independent senatorial candidate, ang kasama.

Si Sen. Robin Padilla, president ng PDP-Laban, ay inendorso sina Sen. Imee Marcos at Gringo Honasa na hindi nila kapartido.

Ang mga nakakasa nilang campaign sorties sa Visayas at Mindanao, marami na ang hindi natuloy dahil wala na si Duterte na makakahatak sana ng tao at pondo.

Marami rin umano ang “nakatanim” sa partido na mula sa administrasyong Marcos Jr. at ibang grupo na wala naman dapat kinalaman sa operasyon ngunit nangingibabaw ang kanilang mga desisyon.

Tameme rin ang karamihan sa mga senatorial bets at personalidad ng PDP-Laban sa “pasabog” na pag-endorso ni Vice President Sara Duterte kay Sen. Imee.

May malaking pagtitipon sana silang pinaghahandaan bago sumapit ang May 12 sa Metro Manila na ikinasa bago pa nadakip si Duterte ngunit dahil nagkakagulo na sila, may mga nagdududa kung matutuloy man ito ay magiging matagumpay kaya gaya nang inaasahan, batay sa orihinal nilang plano.

Ang tanong, sakaling umarangkada ang “main event”, rarampa pa rin kaya ang Iglesia ni Cristo at ang Kingdom of Jesus Christ ngayong nakadetine na si Duterte?

Mayroon kayang mayoralty bet sa Metro Manila na nakahandang lumutang para maging “host” ng grand event na ito?

Posibleng may mga malaglag sa kanilang upuan dahil magkakabukingan kung sino ang “sleeping with the enemy.”

Ang suma total ng lahat ng ito’y hindi lamang para sa political survival ngayong 2025 midterm elections kundi maaaring sa 2028 presidential elections, sakaling hindi nila mapababa sa poder ng mas maaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *