NAGPAPASUWELDO nga ba ang mga Pilipino ng isang opisyal na nagpapasiklab na eksperto sa isyu ng seguridad ng bansa pero numero uno palang hunyango?
Mabigat na akusasyon ito ngunit kailangang busisiin ng administrasyong Marcos Jr. kung gusto nitong matapos ang kanilang termino hanggang 2028.
Ayon sa isang source, ang naturang security official na itago natin sa alyas na Ibon ay walang kakurap-kurap kung maghabi ng mga bintang laban sa mga taong bistado ang tunay niyang pagkatao.
Ginagamit daw ni Ibon ang kanyang posisyon para palabasin na “intelligent” siya pero kumot lang niya ito para ikubli ang kanyang mga lihim na gawain.
“Siguradong may paglalagyan si Ibon sa Bossing ng Bayan Mo kapag nabisto kung paano niya ito traydorin,” matalinhagang babala ng summa cum laude sa tropang Las Chismosas.
Kaya raw pala kabisado ni Ibon ang operasyon nang nagpapakalat ng paninira laban sa gobyerno dahil mismong siya ay aktibong nakasawsaw rito.
“Kumupas na kaya ang husay ng mga pangunahing maniniktik at hindi nila naamoy ang pagiging traydor ni Ibon?” tanong ng isang miron.
Kinuha pa raw ni Ibon bilang “sulsol-tant” ang isang former lady Palace official ngunit nasa bakuran din ng mga laging “nadadapa.”
CLUE:
Dating humawak ng mataas na posisyon sa nakaraang administrasyon si Ibon pero nagawa niyang lumangoy sa kasalukuyang gobyerno sa tulong ng isang retiradong heneral kaya nakasungkit ulit ng magandang puwesto.
Malapit siya sa dalawang dating mouthpiece ng mga anti-komunista na ngayo’y pangunahing kritiko na ng Bossing ng Bayan Mo.
Malaya siyang nakapagpapanggap na makabayan pero sariling kapakanan lang talaga ang pinoprotektahan, pati na ang interes ng isang hukluban na maraming kasalanan sa bayan.
‘Yun na!