Sat. Aug 8th, 2026

NAGING pangunahing balita mula kahapon ang umano’y pagbayad ng Chinese Embassy sa isang PR firm sa Makati City para magpakalat ng paninira laban sa pamahalaan ng Pilipinas at anti-China Filipino personalities.

Sa unang tingin, nakagigimbal ang rebelasyon sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on Philippine maritime and admiralty zones na pinamumunuan ni re-electionist Sen. Francis Tolentino.

Kabilang sa naging resource person sa pagdinig ay si National Security Council Asst Director General Jonathan Malaya na nagbabala na may mga indikasyon na may isinasagawang “information operations” sa bansa gamit ang keyboard warriors o trolls na Chinese state sponsored para umano’y makialam sa May 2025 midterm elections.

Ang trolls ay mga taong nag-uumpisa ng away sa internet o mga taong nakikisali sa usapan nang may usapan sa internet at nagpo-post ng mga hindi kaaya-ayang mensahe upang makakuha ng atensyon o makapanakit ng ibang tao.

Sina Tolentino at Malaya ay dating mga opisyal ng administrasyong Duterte, kilalang malapit sa China.

Bago naging senador ay nagsilbi si Tolentino bilang political adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang si Malaya ay naging undersecretary ng DILG.

Kung tutuusin ay hindi na bago ang isiniwalat nina Tolentino at Malaya noong Huwebes sa Senate probe, ang kaibahan lang ay China ang umano’y nagpopondo sa troll farms ngayon habang noong panahon ng administrasyong Duterte ay pera umano ng gobyerno ng Pilipinas ang ginasta.

Hindi naman lihim na sa panahon ng administrasyong Duterte ay nagsimulang lumakas ang operasyon ng trolls at sa katunayan ay nilagdaan ng 12 senador ang Senate Resolution 768 noong Hulyo 2021 na may layuning talupan ang nasa likod ng mga ulat na winawaldas ang pera ng bayan para sa troll farms na nagpapakalat ng mga kasinungalingan sa social media.

Hindi pumirma sa resolution si Tolentino habang si Malaya, na usec noon ng DILG ay tikom ang bibig sa usapin.

Ang mga lumagda sa SR 768 ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Minority Leader Franklin Drilon, and Senators Nancy Binay, Leila de Lima, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Emmanuel Pacquiao, Francis Pangilinan, Grace Poe at Joel Villanueva na humihiling sa mga kakukulang komite sa Senado na maglunsad ng imbestigasyon sa umano’y nagpapakawala ng dispalinghadong impormasyon na inaayudahan ng estado at tinutustusan ng pondo ng gobyerno.

Ang naturang hakbang ay bunsod ng isiniwalat ni Lacson na isang undersecretary ng  administrasyong Duterte ang nagkakasa ng troll farms sa buong bansa bilang paghahanda sa 2022 elections.

Tinukoy rin sa resolution ang ulat na umupa ang Department of Finance (DOF) ng isang public relations (PR) man na tinagurian ng Facebook bilang “operator behind a pro-Duterte fake account network” FB pages na tinanggal ng social media giant noong Marso 2019.

Nakasaad din sa resolution ang kahalintulad na social media consultancy contract noong 2017 sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at pro-administration blogger na bantog na tagapamandila ng fake news at hate comments laban sa mga kritiko ng pamahalaan.

Si Sen. Alan Peter Cayetano ang DFA secretary at si Carlos Dominguez ang DOF secretary ng panahong nabanggit.

Ilan umano sa mga blogger at social media personalities ay itinalaga sa matataas na posisyon sa iba’t ibang kagawaran at ahensya ng gobyerno.

“The Duterte administration even appointed some of these bloggers and social media personalities to high positions in various departments and agencies in government,” sabi sa resolution.

Giit ng mga senador, dapat malaman ng sambayanang Filipino ang dahilan bakit ginagastos ng gobyerno ang pera ng bayan para sa troll farms na ikinukubli bilang ‘public relations practitioners’ at ‘social media consultants’ na naghahasik ng fake news sa halip na tustusan ang ayuda para sa CoVid-19, health care, food security, jobs protection, education, at iba pa.

“Filipinos should know why government spends public funds on troll farm operators disguised as ‘public relations practitioners’ and ‘social media consultants’ who sow fake news rather than on COVID-19 assistance, health care, food security, jobs protection, education, among others,” anang mga senador. (ITUTULOY)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *