Sat. Mar 14th, 2026

Muling magbabalik sa House of Representatives ang Koalisyong Makabayan sa Lunes, Enero 26, bandang 10:00 a.m., upang matiyak na pormal na matatanggap ni House Secretary General Cheloy Garafil ang ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at maisama ito sa Order of Business sa sesyon sa hapon.

“Bumalik na ang Secretary General mula sa Taiwan, kaya wala nang dahilan para hindi tanggapin ang complaint,” pahayag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. “Tama na ang delaying tactics—the Filipino people deserve answers, and the Constitution demands action.”

Nauna nang sinabi ng Makabayan Coalition na ang impeachment complaint ay itinuturing na filed kahit wala si Garafil, na nasa Taipei noon upang tumanggap ng parangal mula sa foreign ministry ng Taiwan nang tangkaing ihain ang reklamo noong Huwebes.

Kasama sa mga complainant sina Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan, Liza Maza ng Makabayan Coalition, dating Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Teddy Casiño, at Kabataan Rep. Renee Co. Giit nila, natugunan na ang lahat ng konstitusyonal na rekisito para sa paghahain ng reklamo.

“Walang nakasaad sa Konstitusyon na personal na tanggapin ng Secretary General ang complaint. Ang nakalagay ay Office of the Secretary General, at doon namin iniwan ang complaint,” paliwanag ni Colmenares.

Dagdag ni Kabataan Rep. Co, wala ring probisyon sa House Rules na nag-aatas ng personal na pagtanggap ng Secretary General. “Ang ginawa namin ay substituted service—iniwan namin ang kopya ng resolution at complaint sa kanilang opisina. On our part, we filed it.”

Binanggit ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na tungkulin na ngayon ng Secretary General na ipasa ang dokumento kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III at isama sa order of business sa pagbabalik ng sesyon.

Ang ikalawang impeachment complaint laban kay Marcos ay nakatuon sa tatlong artikulo: sistematikong korupsyon at patronage, pang-aabuso sa discretionary power sa unprogrammed appropriations, at direktang personal na pagkakasangkot sa kickback schemes.

Ayon kay Reyes, “Ang impeachment complaint na ito ay hindi lamang tungkol sa isang Pangulo na pinagtaksilan ang tiwala ng bayan—ito ay tungkol sa sistema ng korupsyon na umabot na sa pinakamataas na antas ng gobyerno.”

Binanggit ng Makabayan ang tinatawag na “BBM Parametric Formula” ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na umano’y nagsilbing mekanismo para sa alokasyon ng proyekto at naging batayan ng kickbacks. “Ito ang smoking gun na nagpapatunay ng direktang kinalaman ni Marcos sa malawakang korupsyon sa imprastraktura,” giit ni Tinio.

Dagdag pa ni Reyes, “Ang convenient absence ng Secretary General habang tinangka naming ihain ang complaint ay nagpapakita ng delaying tactics para protektahan ang Pangulo. Ngunit hindi kami matitinag. The complaint is filed, and the House leadership must now do its constitutional duty.”

Nanawagan ang Makabayan sa liderato ng Kamara na isama ang reklamo sa order of business sa loob ng sampung session days na itinatakda ng Konstitusyon, at i-refer ito sa tamang komite sa loob ng tatlong session days.

“Huwag nang magpanggap pa. The Constitution is clear. The process must move forward. Ang taumbayan ay naghihintay ng hustisya,” pahayag ni Maza.

“Bukas, babalik kami. And we expect the House to do its job—no more excuses, no more delays. Accountability cannot wait,” pagtatapos ni Tinio.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *