Sat. Aug 8th, 2026

HALOS apat na taon na ang nakalipas mula nang unang tangkain ng Senado na tuklasin kung sino ang nasa likod ng pagwawaldas ng pera ng bayan para sa troll farms na nagpapakalat ng mga kasinungalingan sa social media.

Naudlot ang inaabangang imbestigasyon ng Senado noong Hulyo 2021 at posibleng may “kamay’ rito ang nakaupo noon sa Malakanyang dahil ang nais nilang tumbukin na may pakana at nagpondo sa troll farms ay mga opisyal ng administrasyong Duterte.

Kaya nakapagtataka kung bakit nag-iingay ngayon laban sa troll farms ang noo’y tahimik sa isyu na sina Sen. Francis Tolentino at National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya.

Sino naman ang namangha sa “pasabog” nila na kinontrata ng Chinese Embassy ang isang Makati-based PR firm sa halagang P930,000 na maituturing na “barya” bilang kabayaran sa gawaing magpakalat ng paninira laban sa pamahalaan ng Pilipinas at anti-China Filipino personalities?

Ang dapat tuklasin ng mga security official ng administrasyong Marcos Jr. ay ang posibilidad na may mga opisyal ng pamahalaan o personalidad na gagamit sa isyung ito upang ibenta ang sarili bilang tagapagligtas ng gobyerno mula sa troll farms na pinondohan ng mga singkit, ‘yun pala’y operator talaga ng mga politikong suportado ng China.

Maaari kasing ang mga opisyal o personalidad na ito’y may inaasinta lang na puwesto sa Palasyo para mas maka-penetrate sila sa “kusina” at mas marami pang maiulat sa “tunay” nilang amo.

Kapag nabola kasi nila ang Senado at Palasyo ay malaya na silang makakapangalap ng impormasyon na pakikinabangan ng gustong pumalit kay Marcos Jr.

Ilang beses nang pumalpak si Marcos Jr. sa mga pinili niyang opisyal. Kulang ba sa background check o mahina ang kanilang counterintelligence?

Kailangan din mabisto ng mga kinauukulan kung mayroon  bang mga security official na nagmamay-ari ng PR firm na ginagamit para batikusin ang gobyernong Marcos Jr.

Baka kasi sa husay nilang magpanggap at ginagamit pang prente ang pagbira sa mga progresibong grupo ay hindi mahalata na sila rin ang nasa likod ng mga grupo at troll farms laban kay Marcos Jr.

Ang mga kompanya bang nabiyayaan ng pamahalaan ng daan-daang milyong kontrata ay nasa bakuran ngayon ng kaaway ni Marcos Jr?

May kaugnayan ba sila sa mga nakaupo sa puwesto na pinagkakatiwalaan ni Marcos Jr?

Marahil ang dapat na ISTRATEHIYA ni Marcos Jr. ay linisin muna ang sariling bakuran bago atakihin ang kanyang mga kaaway sa labas.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *