Sat. Aug 8th, 2026

Limang araw na lang ay pipili ang mga botanteng Pinoy ng 12 senador at mga kongresista na bubuo sa 20th Congress at magluluklok din ng mga bagong lokal na opisyal ng pamahalaan.

Dapat tandaan ng mga botante, hindi gawain ng mga senador at kongresista ang mamigay ng ayuda, jacket, candy at kung anu-ano pa.

Kailangan may angking talino, malinis na track record , hindi protector ng negosyo at hindi galing sa political dynasty ang iboboto nating senador. Bakit kanyo?

Bukod sa paggawa ng batas (LAWMAKING), pangunahing tungkulin din ng senador ang busisiin at magrekomenda ng amendment sa pambansang BUDGET na inihanda ng executive branch at kapag naipasa na ito’y dapat din nilang bantayan kung paano ginasta.

Magsisilbi rin silang Tagahukom (IMPEACHMENT JUDGES) sa isang impeachment trial at magpapasya kung ang isang opisyal na inakusahan ng imepeachble offense ay dapat matanggal sa puwesto at pagbawalan ng humawak ng posisyon sa gobyerno.

Kasama ang mga kongresista, bilang isang Kongreso ay may kapangyarihan ang mga senador na magdeklara ng giyera o STATE OF WAR.

Kailangan din ng Pangulo ng bansa ang ayuda ng mayorya sa Kongreso sa paggawad ng Kapatawaran o AMNESTY.

Ang isinasagawang imbestigasyon ng mga senador ay bahagi ng kanilang responsibiidad bilang Tagapangasiwa o OVERSIGHT function para makagawa ng bago o mag-amyenda ng batas. Aalamin din nila kung ipinatutupad ng tama ng mga ahensya ng pamahalaan ang mga batas.

Bilang Tagahirang o APPOINTMENTS, bahagi ang mga senador ng makapangyarihang  Commission on Appointments , na bubusisi sa karakter ng mga opisyal na itinalaga ng Pangulo sa puwesto, na parte ng system of checks and balances.

Isinasailalim ng mga senador sa ebalwasyon ang mga pinasok na treaty ng Pilipinas (TREATY CONCURRENCE). Magkakaron lamang ng bisa ang treaty kapag inaprubahan ito ng 16 sa 24 senador.

Kasama ang mga kongresista, may kapangyarihan ang mga senador ibasura o palawigin ang batas militar (MARTIAL LAW) o ang suspension ng pribelehiyo ng writ of habeas corpus.

Pinasusuweldo natin ng mahigit P200,000 kada buwan ang isang senador kaya ang mga naturang tungkulin ay kasama sa kanyang sinumpaang tungkulin na gagampanan ng walang halong pag-iimbot at may buong katapatan sa bayan at hindi sa interes ng iilan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *