Sun. Sep 27th, 2026

Hindi mapipigilan ng mga parusa o “sanctions” mula sa Estados Unidos ang nagpapatuloy na imbestigasyon at paglilitis ng International Criminal Court (ICC) sa “war on drugs” sa Pilipinas, partikular na ang mga kaso laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ito ang binigyang-diin ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa isang opisyal na pahayag upang pabulaanan ang mga kumakalat na bali-balita na isasara ang korte o awtomatikong palalayain si Duterte dahil sa presyur mula kay US President Donald Trump.

Ayon sa NUPL, walang direktang panganib ang mga parusa sa usad ng mga kaso dahil ang ICC ay hindi umaasa sa pondo ng Amerika, at wala ring pasilidad ang korte sa loob ng US.

Dagdag pa ng grupo, ang ICC ay isang malayang tribunal na nakatayo sa pananagutan laban sa mga malubhang krimen at hindi ito magpapasakop sa kagustuhan ng iilan.

Inaasahang uusad na sa trial stage ang kaso ni Duterte sa pagtatapos ng Nobyembre 2026.

Bagamat nakabinbin pa ang desisyon kung fit o may kakayahan si Duterte na sumalang sa paglilitis, kinompirma ng trial chamber na mananatili itong nakadetine.

Gayunpaman, inamin ng NUPL na mayroong “indirect danger” o di-direktang epekto ang mga parusa ni Trump sa mga operasyon at personal na transaksyon ng mga opisyal ng korte.

Sa kasalukuyan, may ilang sanctions na ang ipinatupad kung saan na-freeze ang mga ari-arian sa US, hinadlangan ang access sa mga financial at software services, at pinagbawalan ang pagpasok sa Amerika ng 11 opisyal ng ICC, kabilang ang siyam na hukom.

Tinawag ng NUPL ang hakbang na ito ng US na isang pag-atake sa “judicial independence” at sa rule of law.

Nilinaw rin ng grupo na kung sakaling may magtiwalag na bansa sa ICC tulad ng utos ni Trump, aabutin pa ng isang taon bago ito maging epektibo matapos ang pormal na abiso.

Dahil dito, naniniwala ang NUPL na mas mabilis na masusolusyunan ang kaso ni Duterte bago pa man tuluyang mabuwag ang korte.Hinimok ng NUPL ang mga state-parties na gumamit ng “blocking statutes” upang harangan ang extraterritorial na epekto ng batas ng Amerika.

Kasabay nito, hinamon ng grupo ang administrasyong Marcos na pumanig sa sangkatauhan at labanan ang kawalan ng katarungan sa pamamagitan ng pagsuporta sa proseso ng ICC.# (RRN)

By admin