📷: Bayan | FB
Nanawagan ang Makabayan bloc sa pamahalaan ng Pilipinas na huwag tanggapin ang anumang imbitasyon mula kay US President Donald Trump na sumali sa tinaguriang “Board of Peace” para sa Gaza, na kanilang binansagang mekanismo upang gawing lehitimo ang okupasyon ng US at pagkakakitaan ang rekonstruksiyon sa nasirang teritoryo.
Ayon sa Makabayan, ang naturang inisyatiba ay hindi tungkol sa kapayapaan kundi isang paraan upang balewalain ang United Nations, palakasin ang dominasyon ng US, at pagkakitaan ang muling pagtatayo ng Gaza matapos ang malawakang pinsala mula sa US-backed Israeli aggression.
Binanggit ng grupo ang komposisyon ng executive committee ng Board bilang patunay ng tunay nitong layunin, kabilang si dating UK Prime Minister Tony Blair, na binatikos dahil sa papel niya sa ilegal na pananakop sa Iraq,at si Jared Kushner, manugang ni Trump na kumakatawan sa personal na interes pangnegosyo ng pangulo.
“These are not peacemakers,” giit ng Makabayan, “but profiteers and architects of imperialist wars.”
Napuna rin ng bloc na sa 11-pahinang charter ng Board, ni minsan ay hindi nabanggit ang Gaza. Sa halip, nakasaad ang malawak na mandato para sa isang bagong internasyonal na organisasyon na pinamumunuan mismo ni Trump, na may veto power sa lahat ng mahahalagang desisyon.
“This is not multilateralism,” wika ng Makabayan. “This is US unilateralism dressed up as international cooperation.”
Nagbabala ang Makabayan na ang pagsali ng Pilipinas ay maglalagay sa bansa bilang kasabwat sa ilegal na okupasyon ng Gaza, at posibleng gawing murang lakas-paggawa ang mga Pilipino para sa mga multinasyunal na korporasyon habang nananatiling inaagawan ng lupa at yaman ang mga Palestino.
Ipinunto ng grupo na ilang bansa gaya ng France, Denmark, Norway, Sweden, at Slovenia ay tumanggi na sa imbitasyon, kinikilala ang panganib na dulot ng Board sa pandaigdigang kaayusan at sa papel ng United Nations.
Muling iginiit ng Makabayan ang pakikiisa sa sambayanang Palestino, nananawagan ng pagtigil sa tulong militar ng US sa Israel, wakas sa ilegal na okupasyon ng mga teritoryo ng Palestino, at pananagutan para sa mga krimen ng digmaan sa Gaza.
Ang rekonstruksiyon anila ng Gaza ay dapat pamunuan ng mga Palestino mismo—walang kondisyon, walang dayuhang okupasyon, at walang pagsasamantala.
“The Philippines must reject Trump’s Board of Peace and stand on the side of justice, liberation, and the oppressed peoples of the world.” (ROSE NOVENARIO)