📷: Socorro MPS / FB
Apat ang nasawi habang 12 ang sugatan sa isang malagim na aksidente sa kalsada dakong alas- 11:30 ng Linggo ng umaga sa Sitio Taguican, Barangay Fortuna, Socorro, Oriental Mindoro.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Socorro Municipal Police Station , isang Isuzu jeep na may plakang DKN 626 ang bumabaybay sa barangay road sakay ang ilang pasahero, kabilang ang mga menor de edad nang pagdating sa pababang kurbadang bahagi ng kalsada sa Sitio Taguicay, nawalan umano ng kontrol ang driver dahil sa pagpalya ng preno. Dahil dito, lumihis ang jeep at bumangga sa isang puno.
Batay sa ulat, tatlo ang idineklarang dead on arrival sa ospital, habang ang pinakamatandang pasahero ay binawian ng buhay sa mismong lugar ng insidente.
Habang ang driver at ilang pasahero ay nagtamo ng iba’t ibang pinsala sa katawan at agad na dinala ng MDRRMO personnel sa Grace Mission Hospital sa Barangay Catiningan para sa agarang gamutan.
Nagpaalala ang Socorro PNP sa lahat ng motorista na regular na inspeksyunin ang kanilang mga sasakyan, lalo na ang kondisyon ng preno, upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang mga awtoridad sa mga naulilang pamilya at nanalangin para sa mabilis na paggaling ng mga sugatan. # (JCNE)